Tuesday, May 21, 2013

ang pagmomoda sa mataong kalsada

tumanda naman akong sanay sa traffic at init. ilang taon din naman akong nakipagsapalaran sa dagat ng nagsisiksikang tao sa lrt. pero kung may pera naman para mag-taxi, bakit ko pa pagkakaitan ang sarili ko? kaya nga tayo nagtatrabaho nang maigi para makaramdam ng ginhawa eh. pero kagabi, iba ang pagsubok na ibibato sa akin ng tadhana. tila impyerno sa lupang ibabaw ang eksena sa mataong kamaynilaan kapag rush hour. mainit, malagkit at masikip. walang taong hindi mainit ang ulo at kung meron man ay nararapat lamang siyang parangalan ng gintong medalya.

dati naman akong sanay makidigma sa agawan ng masasakyan pero iba na rin kapag naginarte na ang katawan mong natengga nang matagal sa klima at maluwag na kalsada ng ameyrika.

edi dahil na-guilty ako sa kaartehan ko, nakipagsabayan na lang din ako sa pagaabang ng jeepney - tiis muna sa mga taxing nagdaraan. nang pinalad akong makasiksik sa isang overloaded na jeepney, nakita ko ang iba't ibang mukha ng mga pasaherong nanggaling din sa iba't ibang lugar at may iba't ibang simangot sa mukha.

naisip kong mapalad pa pala ako na paguwi lang ang pinoproblema samantalang yung iba, marahil namomroblema sa kakainin, sa pang-matrikula, pambayad sa utang o kung anu pa mang suliranin ng isang marginalized na pilipino. 

mahigpit ang pagkakatangan nila sa mga bag nila sa takot na manakawan ng iilang ari-arian at salapi. matiyaga nilang tinitiis ang init at pati gutom na rin siguro. malamang araw-araw silang ganito.

nagbayad si tatang sa tabi ko, kasabay nang paglabas ng senior citizen card upang matiyak ang diskwento sa kanyang pamasahe. pag-abot nung bwakanang inang bastos na jejemong bakla ng sukli ni tatang na di mo mawari kung masama ang loob sa pag-abot, mahulog hulog pa ang mga barya at nalaglag ang isang pirasong piso sa sukli ni tatang.

hindi siya maka-move on sa pisong nalaglag na di nya mahanap sa sulok-sulok ng mga paa at mga bag sa ibaba. naisip ko, piso lang yun pero di pa nya mapalampas kaso naisip ko baka naman yung maliit na halagang yun sakin e big deal na rin talaga dun sa matanda. nahiya naman akong palitan na lang yung perang nawala nya dahil baka mainsulto naman siya kaya't sa habag ay nakihanap na lang din ako sa piso nya.

nang mahanap ko yung piso, wala na si tatang. 

wala na rin yung wallet ko.

kingina, laglag barya lang pala ang modus ng walanghiya. 

lahat ng awa at drama ko ay naglahong parang bula.

moral lesson: 

kung may pang-taxi ka, mag-taxi ka. wag nang maginarte at makiisa sa drama ng iba.