Showing posts with label emow. Show all posts
Showing posts with label emow. Show all posts

Thursday, December 13, 2012

2012: of love and challenges

Challenging.

Kung susumahin ko sa isang salita ang buong taon ng 2012, ito ang sa tingin ko'y maglalarawan sa itinakbo ng buhay ko sa loob ng mga nakaraang buwan - challenging.

LOVELIFE

Pumasok ang taon na ito na may magandang simula. Nasa Pilipinas ako noong January at mahigit isang buwan ko rin nakasama si Mariel. Sa loob ng maikling panahon na iyon, maipagmamalaki ko namang naparamdam ko nang wagas sa kanya kung paano ang tunay na pagaalaga sa isang minamahal. Naipagluto ko sya ng maaalat na putahe, naipagtimpla ng mala-istarbak na kape habang gumagawa ng paperworks sa trabaho, minasahe ko ang paa nya matapos ang maghapong paglalakad sa mausok at maalikabok na kalsada ng Maynila at kung anu-ano pang shit. Pinagsilbihan ko sya na parang reyna at hanggang ngayon, namimiss kong gawin ang lahat ng iyon - pagkat ako'y alipin ng matamis nyang pagibig. naks!

At syempre, tulad ng lovelife ni Kris Aquino, bawat bakasyon ay mayroong wakas. Bumalik ako rito sa Amerika noong Pebrero bitbit ang mabigat kong mga bagahe at damdamin. Para akong batang hindi hinataw ng sinturon sa hita kung makahagulgol. Mula NAIA hanggang San Francisco Airport ay naiyak ang lolo nyo. Kung sasabayan mo nga ng awit ni Christian Bautista, pwede na ngang gawing music video ang drama ko. Balik Amerika, balik sa dating gawi - long distance love affair. May mga moments na nakakabaliw dahil sobrang miss ko na siya o minsan ay inaatake sya ng mga rumaragasang hormones every month. Natural lang naman na minsan ay may tampuhan pero sa tulong ng internet, telepono, ng aming wagas na pagmamahalan at gabay ni Papa Lord, kami pa rin hanggang ngayon. Yikeee! Kilegz!

KARIR

April, umalis ako sa part time job ko na pagaalaga ng isang matandang lalaki at nakapasok ako sa isa pang nursing facility - bale dalawang full time job. Simula noon, pansamantalang kinalimutan ko ang salitang day off. Literal na walang day off dahil kapag wala akong sa isang trabaho, may pasok pa rin ako sa isa. Ganun ako kasipag. Patay kung patay.

Di ko alintana ang pagod at kawalan ng ampat na pahinga dahil lahat ng yan ay nawawala kapag may pasahod na. Mas marami akong pera. Mas marami akong naitutulong sa bahay at sa iba. Bale maguumpisa ang paghahanapbuhay ko ng 2:30 ng hapon hanggang 10:30 ng gabi sa isang trabaho. Paglabas ko run, dadaan lang ako ng store para bumili ng makakain tapos derecho na ako sa susunod na trabaho na maguumpisa ng 11:00 ng gabi hanggang 7:00 ng umaga. Sa loob ng mahabang oras na yun, kaharap ko ay iba't ibang klase ng matatanda mula sa mga simpleng makakalimutin hanggang sa mga matatandang bilang na lamang ang mga oras nilang nalalabi.

Masarap ang pakiramdam ng may napapangiti kang mga pasyente lalo na't alam mong may nararamdaman silang sakit sa katawan at sa puso. Marami sa kanila ang may iba't ibang klase ng malulungkot ng kwento at dahil nabiyayaan ako ng di matatawarang kadaldalan, mapalad naman akong makilala sila nang husto at marinig ang kani-kanilang mga kwento. Mga kwentong akala ko sa pelikula lang nagaganap. Mga kwentong nagbigay pa ng inspirasyon at aral na hindi sa kung saan lamang basta maaapuhap.

So matapos ang segue na iyon, makakauwi na rin ako sa wakas ng around 7:30 ng umaga at paglapat ng katawan ko sa kama, sya naming hawak ko sa telepono dahil oras naman para tawagan si love of my life. Tulad ng Misa de Gallo na walang bibingka't puto bungbong, hindi kumpleto ang mahabang araw ko kung di ko maririnig ang boses ni Mariel. Kahit anung pagod o antok ko, kailangan makausap ko muna sya bago ako matulog. Nais kong kamustahin ang itinakbo ng araw nya, kung ayos lang ba ang lahat, o kahit maikling kwentuhang walang kabuluhan lang - wag lamang lumipas ang isang buong araw na hindi kami nagkakausap. Wag lang maputol ang bonding, ang communication, ang connection. Para sa akin, hindi baling walang mapagusapang napaka-interesante o napakahalaga, basta marinig ko lang ang boses nya, basta marinig ko lang na ngumingiti sya - ayos na ako run.

OPPORTUNITY

August, dalawa sa mga mabubuti kong kaibigan noong highschool at kolehiyo ang humikayat sa akin na pumasok sa isang negosyo. Sa una nagdalawang isip talaga ako. Sino bang susugod na lang basta sa isang negosyo nang hindi nagiisip? Una sa lahat, sa sobrang abala ko saan ko pa isisingit ang pagnenegosyo sa schedule na mayroon ako di ba. Finally, naconvince rin nila ako at yun na nga, sumali ako na may halo pang takot at excitement sa panibagong adventure na ito. Bakit? Ituloy ang pagbabasa.

Ako yung taong nangangarap ng mataas para sa pamilya ko - lalo na para kay mommy. Gusto ko na syang pagpahingahin sa pagtatrabaho at gusto ko yun mangyari sa nang hindi pa sya matandang uugod-ugod. Gusto kong maranasan nyang mamuhay nang parang reyna bago pa man sya tumanda. Damay rin syempre sa pangarap ko si Mariel, ang mga kamag-anak ko sa Cavite at mga kaibigang gusto ko rin matulungan. Hindi ko matutupad yan lahat kung mananatili lang akong paaalipin sa dalawang trabaho ko. Bagama't hindi naman masama ang pasahod, hindi pa rin sapat ito para itulak ako paangat - papalapit sa mga pangarap ko. Kaya naisip kong pasukin ang pagnenegosyo dahil sa isang taong may kagustuhang umangat at magtagumpay sa buhay, hindi sapat ang marunong ka lamang mangarap - kailangan mong umaksyon.

CHALLENGE

Pinilit kong kayanin sa panandaliang panahon na bigyang oras ang lahat kahit halos hindi na ako nakakapagpahinga pero dahil hindi naman ako robot na de baterya, napagod din ako. Umabot ako sa puntong nakakatulog na lang kahit may nagwawalanghiyang ingay sa paligid. Di na ako kayang gisingin ng alarm clock at hindi na kayang pasiglahin ng redbull. Ang mahirap sa ganitong estado, madali kang mainis. Yung mga bagay na dating pinalalampas ko lang ay dumadagdag panggatong na sa init ng ulo ko. Mas lumakas na yung loob kong umangal at lumaban sa mga ulul kong katrabaho sa panggabi. Yung mga dating tinatawanan ko lang, hindi ko na kayang tiisin. Kaya't ano pa nga bang nararapat gawin kung hindi ka na masaya sa isang bagay?

Oo, galing mo naman.

Umalis ako sa trabaho kong iyon nung katapusan ng November at nanatili na lang sa isang full time job at sa inuumpisahan kong negosyo. Hindi na ganun kaganda ang pasok ng pera sa akin pero at least hindi na ako gaanong stressed (physically and mentally) di ba. Mas marami na akong oras para sa pamilya, kay Mariel, sa negosyo at sa pagsusulat (sa wakas!).

May ilang buwan na rin akong nagbibigay effort sa pagpapalawig ng pinasok kong negosyo pero sa awa ng bathalumang makapangyarihan ay wala pa rin akong resultang naaapuhap. Medyo malaking pera na rin ang nailabas ko pero wala pa ring bumabalik. Nakakaramdam na rin ako minsan ng kaba lalo na kapag dumarating ang mga sobreng naglalaman ng paalalang kailangan ko nang bayaran si ganito, may balance ka pa kay ganyan.

Alam kong hindi madali kaya't hindi ako sumusuko. Imbes na magmukmok o mamroblema sa lubak na kinasasadlakan ko ngayon, pinalalakas ko na lang ang loob ko dahil wala naming ibang direksyon na dapat daanan papunta sa mga pangarap ko kundi pasulong. Boring ang buhay na walang pagsubok na dadaanan at kung wala kang pinagdadaanan - wala kang patutunguhan.

Kung susuko ako, para ko na ring sinukuan ang sarili ko at tatanggaping isa akong talunan. Di ko na kayang talikuran ang mga pangarap ko para sa mga mahal ko.

Ayoko nang bumalik sa dati, gusto ko na ang bagong ako.

PASASALAMAT

Hindi magiging masaya at makabuluhan ang challenging na 2012 na ito kung wala ang suporta ng mga kapatid ko at ng hipster kong mommy.

Salamat kay Mariel na nagbibigay inspirasyon at kilig sa buhay ko. Kung bakit nakukuha ko pa ring ngumiti sa mga araw na sobrang busy at nakakabwisit - sya ang may dahilan. Nagkaroon ako ng mas malinaw na plano sa buhay ko dahil sa kanya. At mali ang iniisip nyo, di pa kami ikakasal. hihihihi!

Salamat sa mga bago kong kaibigay sa naging bago kong trabaho na naging mabait at matulungin sa akin noong kauumpisa ko pa lang hanggang sa ngayon.

Salamat kay Rhea at kay Lai na nagpakilala sa akin ng bagong oportunidad na masasabi kong binago na rin ang buhay at prinsipyo ko.

At sa walang sawang gabay at pasensya at pagmamahal na ibinibigay mo sa akin, maraming salamat po, Papa Lord.

Monday, March 26, 2012

sarprisa?

naranasan mo na ba yung isang gabi uuwi ka sa bahay tas brownout. alam mong brownout kasi nasa labas ang mga kapitbahay at hindi nanonood pba o ng mga teleserye. tapos pagpasok mo ng bahay walang kailaw-ilaw. huhugutin mo sana ang cellphone mo sa bulsa pero maaalala mong mahigit isang oras na itong lowbatt kaya pati oras hindi mo alam. kaya ngayon, kahit maliit na liwanag ng cellphone wala ka. tapos aalalahanin mo sa isip mo kung saan may flashlight o kandila at sa di malaman lamang dahilan madalas nakapatong ang mga ito sa ibabaw ng ref. edi dahan dahan kang papasok ng bahay. wala kang makita. may konting aninag ng mga bagay kaya mas lalakihan mo ang dilat ng mata na para bang may ililinaw pa ang lahat. ano ka may night vision? edi wala nga. mabuti na lang bahay mo ito at kabisado mo kung saan nakapwesto ang mga muebles, appliances, alikabok at kung anu-ano pang shit. yun ang akala mo. lingid sa iyong kaalaman, sa di mawaring biro ng pagkakataon, may nag-usog ng lamesita sa pwesto na nakasanayan mo nang daanan.

boom. surprise!

wala ka nang magagawa kundi umiyak, umaray o kung anung ingay ang gusto mong gawin. basta putangina. masakit. tumama yung alulod mo sa kanto nung lamesita. wala kang kamalay-malay, walang babala o kung anumang premonisyon.

yung sakit na hindi mo naanticipate. at oo, anticipate talaga coz i'm conyo like that.

tulad na lang ng isang masakit na salita na manggagaling sa isang mahalagang tao sa buhay mo. pwedeng si gelpren, si kapatid, nanay, bayaw, o kung sinong matalik na kaibigan. halimbawa ganito: may nagsabi sayo ng pakshit ka. papakshitin ka ng kung sinu-sino sa paligid mo o kahit ni ate shawie pero hindi ka maaapektuhan. walang dating sayo, walang asar, walang bangis na parang itim na langgam. tas pag siya na, boom.

PAKSHIT KA!


may kurot sa puso mo na parang kurot ng aleng manikurista na malutong ang mga kuko sa kamay at paa. mabigat ang dating ng salita. parehas na salita lang pero parang iba. bold, italic, naka-all caps talaga with exclamation point pa. ganun.

tulad na lang din ng isang pagkakaibigang biglang nawakasan nang hindi mo inaasahan - o naanticipate. yung pagkakaibigang pinunlaan ng ilang taong samahan na biglang nauwi na lang sa wala wala lang. friendship over. maaaring isa sa inyo o parehas kayo ay nagbago. o di kaya eh isa lang naman pala talaga sa inyo ang naging isang tunay na kaibigan. basta sa hinaba-haba ng inyong samahan, isang malupit na pangyayari ang susubok at sisira sa inyong pagkakaibigan. isang malupit na pangyayari na hindi mo na naman inasahan - o naanticipate.

ang pagkakaibigan kasi ay parang sapatos. hindi mo malalaman ang tunay na kalidad kung hindi mo itatapak sa semento, sa lubak o sa tae. ay wag na pala sa tae. basta hindi mo malalaman yung quality kung hindi mo susubukang itapak o itakbo-takbo. dahil ang sapatos, tulad ng kaibigan, hindi lang pang-display o pamorma ang mga yan. nandyan lang yan, kasama mo saan ka man mapunta. (at biruin mo nailusot ko yun? haha!)

edi biglang nagkasubukan nga nang tibay at yun nga, surprise!

pumalpak.

yun yung tipo ng sakit na ayaw mong maranasan. yung hindi mo inaasahan. yung hindi mo naanticipate.

Wednesday, August 10, 2011

i miss you.

hindi ito katulad nung mga ordinaryong "i miss you" na madalas mong mababasa sa mga pader ng facebook. palagi itong kadugtong ng mga batian ng mga magkakaibigang hindi nagkausap o nagkita in a certain amount of time. pero syempre depende sa agwat ng panahon at distansyang nagkawalay, nag-iiba ang bigat ng "i miss you".

"uy! baldo! kumusta ka na? i miss you!"
"ayos lang, jennybeth! miss u too!"





hindi ganyan ang "i miss you" na nararamdaman ko. kumbaga sa cd, gasgas na yan at sa dalas ng walang kawawaang paggamit ay nauupod na ang tunay na kahulugan. hindi ganyan yung pangungulilang nararamdaman ko ngayon.

yung sa tagal ng pagkawalay mo, hindi mo na sya maintindihan.
yung sa sobrang tagal, parang hindi mo na sya kilala.
yung isang araw, basta biglang hindi ka na maka-relate.

bale pumasok kasi ako sa indayog noong panahon na kakapalit pa lang ng choreographer. yung mismong umpisa ng pagbabago ng indayog na dating mahiyain at hindi pansinin. hilaw at sabik pa kami sa lahat ng mga bagong ituturo ni kuya reagan.

noon, maliit lang ang pamilya. iisang bilog. kasya ang lahat sa loob ng studio. yung lumalangitngit at amoy-pawis na studio.

hanggang sa lumipas ang mga panahon, natuto, gumaling at unti-unting nakilala ang indayog. dumami nang dumami ang mga bagong members. lumaki ang pamilya. pero ang part na masakit sa akin ngayon, kasya pa rin ba ang lahat sa loob ng studio? sa loob ng iisang bilog?

hindi ko alam. hindi ko sigurado. ang alam ko lang, sobrang laki na ng pinagbago mo. parang hindi na kita kilala. nanliliit na ako sa taas ng naabot mo. sa dami ng mga tawa, iyak, galit, asar at ngiting hindi kita nakasama, siguro pati ako hindi mo na rin kilala.

hindi ito yung ordinaryong "i miss you" na pakalat-kalat sa mga pader ng facebook o mga inbox ng mga cellphones. ito yung matalim, masakit sa lalamunan at mabigat sa dibdib na "i miss you". yung pag biglang tumama yung alulod mo sa kanto ng lamesita. yung pag naghihiwa ka ng sibuyas. hindi ito yung "i miss you" na gasgas at wala nang kahulugan.

dahil indayog,

miss na miss na kita. i so fucking miss you. 


Friday, August 5, 2011

for randy.

today i visited a dying 2 year-old baby. his name is randy. i don't really know exactly but i think he got a tumor in his brain. for months he'd been battling against it through chemo and some other strong medications but as we all know it, every battle has its ending. his body couldn't just take it anymore. i could remember i was there last month when he had his 2nd birthday party. that was the first time i met him personally. i greeted him happy birthday and shook his hands. that was also the first and last time i saw him smile.

though i knew already that he's about to die at any moment, it still broke my heart to see the poor little kid on his bed with all the tubes and shit - still trying to hold on. i'm not inviting any debate or whatever but i'm still gonna say this anyway. i'm just wondering, if there is a God who is omnibenevolent, why would he/she/it let this kind of suffering happen to an innocent little kid?

before i left, i looked at him and held his hands - most probably the last time.

for randy - you're a brave little kid. farewell, buddy.



Saturday, July 23, 2011

shit happens


bale ang buhay raw kasi ay punung-puno ng trahedya. wagas na wagas sa mga kabullshitang susubok sa tibay ng iyong pagkatao. may mga personal na trahedya tulad ng pagkabigo sa pagibig, pagkamatay ng isang minamahal, pagkirot ng namamagang ingrown at kung anu-ano pang shit. may mga trahedya naman ding may pangmalawakang perwisyo sa lipunan tulad ng bagyo, lindol, terorismo at ang pagupo sa pwesto ng dating pangulong si arroyo.

pano nga ba yung matiwasay at nasa ayos naman ang lahat tapos one moment, biglang gumuho, naglaho at nagkagulo-gulo ang lahat? napakahirap ata i-angkop ang sarili mo sa panibagong na namang sistema. para kang yung laruang lego na dagling nakalas at bubuuin muli para maging kung anumang kinakailangan. pwede ka biglang maging robot na aso. sasabay sa kumpas ng bagong sistema. mapapalitan ang tagpi ng doggie. mapapalitan ang aw-aw ng arf-arf.

sit, roll over, play dead.

darating sa punto na parang ayaw mo na lang magpatuloy. gusto mo na lang sumuko. o kaya maghintay kung biglang may darating na superhero. pero ano nga bang magpapanatili sayo para mag-fetch at magwagayway ng buntot? anong baterya ang magpapatakbo sa natitigang mong enerhiya? anong pipigil sayo para humiga na lamang at huminto sa paghinga?

bakit nga ba tayo nadadapa?

upang bigyang kahulugan ang salitang tingala. bangon. pagasa. upang magkakalyo at maiukit ng mga sugat ang mga aral sa ating mga palad (malas mo lang kung sa mukha ka napuruhan). pero anu bang silbi ng pagsubok kung hindi ka susubok lalaban di ba? kaya nga pagsubok di ba? hindi naman sinabing pagsuko. vice ganda?

putangina mo kang pagsubok ka ha! pakshet ka! die, bitch, die! burn in hell!


shit happens, pare. but so does beauty and kilig moments! minsan lang talaga, inevitable talaga ito na sa landas ng buhay, hindi mo maiiwasang makatapak ng tae. walang simbolism yun, pampahaba lang ng blog entry. pero kung makatapak ka man, ikaskas mo na lang sa lupa.

pagibig. hindi lang yung basta chuva-chuchung pagibig o yung ahensyang nagpapabahay. ang tinutukoy ko ay pagibig in general. ito ang gasolinang nagpapatakbo sa damdamin ng bawat tao. pagibig. maging sa sarili man, sa pamilya, sa kapatid, sa shota o kay adam levine. pagibig ang magpapanatiling buhay sa mga pangarap mo. pagibig ang nagbibigay lakas. pagibig ang nagbibigay pagasa. parang Gatorade with advanced electrolyte system - it keeps you going.




is it in you?

Sunday, June 12, 2011

dre, naranasan mo na ba yung may nangyaring sobrang ganda tapos ayaw mo muna maniwala kasi baka mamaya panaginip lang pala? tapos dre, pakikiramdaman mo yung sarili mo kung gising ka ba o nananaginip. para sigurado dba dre. tapos sige check, okay gising ka nga. edi ansaya-saya mo na dba? oo, grabe sobrang ganda kasi ng pangyayari kaya masyado kang mao-overwhelm. anhirap tuloy paniwalaan. too good to be true ba. tangina dre, para kang nalutang sa langit sa sobrang saya. ito yung mga pangyayari na katulad ng pagkakapanalo sa lotto. o kaya pumasa ka sa bar exams. o kaya nagbabakasyon ka sa isang sosyal na resort. o kaya sinagot ka na nung nililigawan mo. yung mga ganung special na pangyayari. ansaya diba? tapos nung tumatagal nang akala mo totoo ang lahat, bigla kang gigisingin ng packing shet na alarm clock ng cellphone mo. sasampalin ka ng realidad. balik ka sa pangangarap.

naranasan mo na ba yung ganun? ako dre, oo. kagabi lang. kaso saka ko na ikukwento, natatae pa ako eh.

Thursday, May 26, 2011

para kay someone

yung moment na narinig mo itong isang kantang ito, alam mo na agad  kung sino yung maaalala mo. yung isang kanta na yun na nakalaan lang para sa isang ispesyal na alaala - isang ispesyal na tao sa buhay mo.

the one that got away. 

lahat siguro tayo mayroong ganito. yung nakakapanghinayang na samahan na wala lang - dumulas at nakalipas na lang. yung taong mabigyan ka lang ng pagkakataon ay kukunin mong pabalik sa iyong buhay -hindi lang bilang kaibigan.

higit pa dun.

mayroon akong kanta para sa taong yun pero dahil (bukod sa gwapo) talentado ako at napakamahusay kong sumulat ng mga tula, naisip kong sumulat ng isa para sa kanya.

walang nakakaalam kung sino ito. pero kung tatanungin nyo ako, straight up, sasabihin kong oo. oo, mahal ko pa rin sya. kahit hindi kami nag-end up being together and all that cheesy shit.

pilit tinatakasan ngunit hindi maiwasan.
ikaw nilalang, ang umpisa at hangganan.
sa puso ko hindi magbabago:
ikaw lamang hanggang buhay ko'y maglaho.

Monday, May 9, 2011

hindi ko alam

kung naging mas masipag akong maglathala nitong mga nakaraang araw, marami sanang saloobin ang nai-translate sa salita. lately kasi hindi ko alam kung bakit pero mas pinipili kong sarilihin yung kung anuman itong bumabagabag sa akin ngayon. hanggang pahapyaw lang ng maiikiling banat sa twitter ang naaabot ng mga thoughts ko. oo, thoughts. english yun. 


hindi sa ayaw kong i-share o ayaw kong humingi ng advice mula sa kahit na sino pero mas gusto ko na lang talaga na sarilihin. sabihin na lang natin na ayokong mahusgahan na naman o kaya pwede ko rin sabihing mas gusto kong maresolbahan ito mag-isa. 


minsan kasi yung mga choice of words ko o yung paraan ko ng paglalahad ng isang partikular na bagay e nami-misunderstood. misunderstanding na hindi nafi-fix kasi hindi ko naman masasabi kung tama ba ang pagkakaintindi ng ibang tao sa nais kong iparating. tapos yung misunderstanding na yun ay malamang sa maka-impluwensya doon sa paghahanap ko ng resolba dito sa linsiyak na problemang hindi ko mahanapan ng lakas ng loob para ibahagi sa inyo nang tuwiran. 


marahil ilan sa mga taong malapit sa akin ay may ideya kung ano o anu-ano itong mga bumabagabag sa akin. yung iilang tao na makakapagsabi na mukha lang akong masaya dahil sa tulong ng mga pekeng ngiti, kape, internet at pornograpiya.


anu na nga bang nangyayari sa loob ng sapantaha ni danibab?


hindi ko alam.

Friday, April 1, 2011



ang box na puno ng alaala at pagmamahal. gamot sa pusong napapagal. ooh yeah, hardcore hebigat na kadramahan. wew! sentimental!

Friday, March 25, 2011

edi nag-usap ang hangin at ang ibon.

hangin: patawad pero mahal ko talaga si saranggola.

ibon: alam ko. (pero sana kaya kong sabihing ~ sana ako na lang, ako pa rin, ako nalang ulit.)

hangin: patawad pero hanggang dito na lang.

ibon: ok.

"When love ends... how long should you hold on?  How soon should you let go? How do you move on?"
~ One More Chance

simula non, hindi na nakalipad ang ibon.

nakakamiss talaga ang pinas...

nakakamiss.


lalo na yung mga moment na nagke-crave sa master siomai doon sa lrt station sa monumento. o kaya yung fried isaw dun sa padre faura sa tabi ng robinson's place ermita. o kaya naman e yung tokneneng dun sa may pedro gil. puro pagkain lang nasa isip? o sya, sige na - miss ko na rin ang mga kamag-anak at mga kaibigan ko. tssssk.


alam mo yung pakiramdam ng pinipilit mong pinaniniwala ang sarili mo na hindi ka naiinggit kada makakakita ka ng mga pictures nila na naga-outing, nagre-reunion, nagpa-party at kung anu-ano pang shit together. tapos babanatan ka pa ng di mo alam kung nagpapalubag loob lang ba o nangiinggit talaga na:


"sayang, sana andito ka"
oo, alam ko. sayang. sana andyan ako - kaso hindi. tapos ngayong maga-abril na naman, uso na naman ang mga reunion slash outing sa kung saan mang resort o bitch beach na isasabay nila sa semana santa. mag-aabang at makukuntento ka na lang sa pango-okray sa mga ia-upload na photos. yun bang pansamantalang kaligayahan mo na mang-insulto ng itsura ng kapwa kahit na ba in the first place, ikaw ang totoong kaluoy dahil wala ka naman doon - hndi ka kasama. nasa bahay ka lang at nakatengga sa harap ng computer. 


pero hindi yun ang talagang nakakamiss. 


ang talagang pinangungulilaan mo e yung mga maliliit na bagay na bumubuo ng araw mo kahit simple lang basta kasama sila. yung mga rutinaryong hindi nyo na nagagawa dahil sa malaking karagatang pasipikong pumapagitna sa inyo. yung tumambay, makipag-asaran, mang-spot ng chicks, foodtrip ng balot, foodtrip ng lugaw, foodtrip sa kalye at eto na naman ako sa usapang pagkain. sorry na. pero yun ang punto ko, yung mga maliliit na bagay na nagsisilbing pundasyon ng pagsasamahan. yun ang talagang pinakanakaka-miss diba?


eh pano kaya kung umuwi ako this year?

Thursday, March 3, 2011

where art thou?

tipid ang usal ng tigang na labi
pinid ang dila
sapantaha'y nakatali
tumatangis ngunit hindi naman sawi
nakabibinging katahimikan
ang imik ng pusong walang dahilan
walang sinuman ang may alam
walang sakit ngunit mabigat ang pakiramdam
sino? ano?
mayroon bang hinahanap?
ang magpupuno sa puwang ng pusong may kulang
pilit inaapuhap
ang pupuno sa katauhan ng "ikw" sa aking "aq"
bubuo ng "tau"
at magsasabi ng "luv u"
kailan magtatagpo
ang landas ko at ang landas mo
pagka't ang ikw at aq, mhl q
isang uniberso

Tuesday, February 15, 2011

kung hindi ukol, hindi bubukol (patama sa mga pusong bopol)

kung kayo edi kayo. kung hindi, edi hindi. napakasimpleng lohika na di maarok ng ating mga nagpupumilit na magsarang sapantaha. may mga bagay sa mundo na hindi mo mababago. mga constant na kahit anong tumbling mo e ganun pa rin ang value. may mga landas na kelan man e di pwedeng magtagpo - parang parallel lines na kahit umabot ka pa sa planetang yekok ay hindi kailanman magi-intersect. ang buhay ay parang isang malaking jigsaw puzzle. ang dalawang piyesang hindi magkatugma, kelanman ay di pwedeng magsama. bawat tao at bawat bagay ay may karampatang lugar sa mundo na kapag nailagay na sa tamang puwesto ay may ampat na dahilan ka na upang sabihing ang buhay ay isa nang magandang larawan.



Thursday, February 10, 2011

hindi lahat ng nasisilayan ng mata ay nakikita.
hindi lahat ng may tunog ay naririnig.
hindi lahat ng nasa isip ay nasasabi.
o dapat bang sabihin.

bulag.
pipi.
bingi.

hindi lahat ng may labi ay nakakangiti.
hindi lahat ng halakhak ay masaya.
hindi lahat ng katotohanan ay nakakapagpalaya.
isang tanikala.
katotohanang balintuna.

sa bawat pagkislap ng mga tala, ilan sa kanila ang kumurap para sa aking mga pangarap? isa? dalawa? o marahil ay wala. hindi nakakakita ang duwag na mata. hindi nakakarinig ang duwag na tenga. hindi nakapagsasalita ang pusong nagkukubli sa huwad na mukha. nakangiti ngunit walang ligaya. tumatawa ngunit walang sigla. sa ilalim ng nakasusulasok na pagiisa, ginapi ng lungkot ang masaya.


Wednesday, February 9, 2011

isang kwento



<partly fiction>

naalala mo nung minsan, sinulatan kita gamit yung isang pilas ng notebook ko sa technical writing. sabi ko sa sulat, bakit mo ako iniiwasan? may problema ba tayo? marami pa akong sinabi bukod doon pero ang punto ko lang naman ay kung bakit mo nga ba ako iniiwasan. sinubukan ko pang itupi yon nang pahugis puso pero hindi pala ako marunong kaya itinupi ko na lang ng dalawang beses saka ko ipinaabot yung sulat sa best friend mong kasamahan ko sa school chorale. matapos ang isang gabing puno ng pangamba, agam-agam, haka-haka at kung anu ano pang shit, kinabukasan ay inabutan ako ng best friend mo ng sulat mula sayo. nakasulat din sa isang pilas ng notebook sa isang siguro hindi gaanong importanteng subject. nang basahin ko yung sulat, maraming salitang pasensya, patawad at salamat. at iyon na nga yung huli mong sulat. paguwi ko sa bahay, dumerecho ako agad sa kwarto ko bitbit ang mabigat kong bag at kalooban. hindi ako nakapaghapunan kahit amoy na amoy ko ang samyo ng masarap na adobong manok na ginamitan ng nanunuot na sarap ng datu puti soy sauce at datu puti suka. humiga ako sa kama pero hindi ako natulog. pikit ang mata ngunit gising ang diwang pinupuno ng mga tanong - mga bakit at paano. magdamag kong binasa yung unan. sabi ko sa sarili ko noon, susubukan na kitang kalimutan.

highschool pa lang tayo non.
pero hanggang ngayon, sinasabi ko pa rin yan sa sarili ko. damn.

</partly fiction>



Tuesday, February 1, 2011

S.A.D.

ito yung araw na tataas ang benta ng mga bulaklak, hahaba ang pila sa mga restaurant, mapupuno ang mga sinehan, magliliparan ang mga matatamis na txtmsgs, magigimbal ang mga motel at magiging kulay pula ang kapaligiran. ito yung araw maliban sa pasko na punong puno ng komersyalismo at "pagmamahalan". yung araw na paborito ng mga magkakasintahan - ang independence day este valentines day. 

ito yung tipo ng araw na darating at darating kahit hind mo hinihintay. ito yung isang araw na ipamumukha sayo ng mundo na ika'y nag-iisa, walang ka-date, walang ka-balentayms. sa isang punto, makakaramdam ka ng maginaw na ihip ng hangin na para bang nangungutya at sasabihing, behlat, wala kang kayakap. 

sad. 

singlehood awareness day para sa mga nais mag-celebrate kahit walang kasintahan. para sa mga nagpapanggap na masaya kahit sa ilang oras man lang ng pakikipagtawanan sa mga kapwa nag-iisa. kokonsumo ng alkohol at magsasayawan na tila walang mga iniindang sakit ng kalooban. pagkatapos ng lahat ay gigising sila sa kani-kanilang mga sariling buhay. bubuhos ang liwanag ng panibagong araw kasabay ng maginaw na ihip ng hangin na patuloy pa rin sa pagsasabi ng behlat, wala kang kayakap.



Wednesday, January 26, 2011

"Dahil katulad mo, ako rin ay nagbago. Di na tayo katulad ng dati, kaybilis ng sandali."
-Burnout, Sugarfree