Showing posts with label kalayaan. Show all posts
Showing posts with label kalayaan. Show all posts

Monday, December 7, 2015

I see the light

Habang nagmumuni-muni kanina dahil ang haba ng sermon ng pari, napaisip ako kung totoo na nga ba itong pagbabalik loob ko? I guess. It's what my heart says. Kung kilala mo ako, masasabi mo siguro na sobrang contradicting nito sa mga pinagsasasabi ko dati. Para sa akin kasi, mahalaga ang ibase ang mga decisions mo sa mga objective na ebidensya - factual, konkreto. I'd prefer na may scientific o rasyonal na paliwanag ang mga bagay-bagay, hindi yung basta galing lang sa personal na opinion. May nagtanong dati kay Dalai Lama, pano raw kung one day e may makapagbigay ng isang malupit na scientific explanation at ma-disprove ang kanyang spiritual na paniniwala. Ang sagot nya, if ever that happens, he'll change his faith. I'd probably do that too kung mayroon ngang makapagbibigay ng isang maliwanag na explanation kung bakit bullshit lang ang ideya ng pananampalataya sa Diyos. I'm open to being wrong and if that's the case I'm always open to accept change.

Ako, personally, I always try to go towards what I think is "correct" although syempre minsan nalilihis tayo ng landas pero you get what I mean. Kung alam mo ang batas, susunod ka. Morality wise, I think it's innate naman na sa ating mga tao na malaman kung anong tama sa mali. Nobody told me it's wrong to kill my mom, but of course I won't do that. Ganern. I also tell people not to be slaves to these social norms. Wag kang magpadikta sa kung anong nakasanayan na ng kultura. Be brave to get out of the box as long as you're happy and it's not harmful to anyone. I thought that's enough.

That was me.

So why did I choose to believe again in God?

Isipin mo yung mga worms - oo, bulate. Wala silang ilong, mata, tenga, o dila. Ang alam lang nila ay gumapang at kung anu-ano pang bulate related stuff. They don't have any other senses except for sense of touch. They have never seen light. Yun lang ang mundo nila - anything else above their existence are unimaginable to them.

Now, look at the bigger picture. As of now, despite all the technological advances and breakthrough discoveries, still, we don't have concrete explanations about some things like dreams, consciousness, and love. We're still living among these mysteries. We don't even have same eyes that some other species have. They perceive light in ways very different from how we do, like butterflies and some other insects can see a wider spectrum of colors that we, humans, are not capable to perceive. Snakes can see infrared. Bats are blind but they can use a sonar system for navigation. See, we are limited in so many different levels so I don't see any point in just relying on human intelligence to find all the answers for everything. What if tayo yung mga bulate? Na bukod sa mundong nae-experience natin ay mayroon pang mas malawak at mas powerful na sumasaklaw sa kabuuan ng lahat ng ito? What if there's really a possibility of a higher existence above us? We'll never know at least for now - that's why we call it "faith".

So this thing about getting scientific reasons for everything, for me, is not entirely appropriate anymore. Sometimes we really have to take a leap of faith. Hindi naman lahat may paliwanag. Hindi sa lahat ng oras, makukuha natin yung paliwanag na hinihingi natin. Minsan mararamdaman mo na lang yun. Basta yun. Come on, we all probably experienced that feeling already. Nawmsayin? That feeling that you can't even describe but it just feels right; that gut feeling, instinct, intuition, or whatever you want to call it. In the end, babagsak at babagsak din tayo doon sa ating pagiging unique na indibidwal at maniniwala depende sa kanya-kanyang mga emotions at realizations, depende sa kanya-kanyang mga experiences at kultura, at mga aral na nakadaupang palad sa paglalakbay natin sa buhay.

I chose to believe in God. I believe there is a God. I can feel there is one and that's enough for me.



Hindi ako mananatili sa pagiging isang bulate. Hindi ako mananatiling nakapaloob sa mga limitasyon ng mundong ginagalawan natin ngayon.

I'm choosing to see the light.

Monday, January 5, 2015

Bagong Taon, Bagong Tao?

Ngayon ang unang Lunes ng 2015. Ngayon pa lang talaga nagumpisa ang bagong taon para sa karamihan. Yung unang apat na araw, yun yung part na nagpapalakas ka ng loob, motivate-motivate chenez, pagpapaalam sa "roller coaster ride" na 2014, at kung anu-ano pang PEP talk sa sarili.

Ngayon ang unang araw ng pagbabalik ko sa iskwela bilang isang mag-aaral. At syempre, as usual naman, imbes na tinatapos ko ang homeworks na due na mamayang alas tres ay napili ko pang mag-blog - saktong sakto lang sa title, ukininam. Sabi ko nga, "cramming brings out the best in me" pero syempre walang magandang implikasyon yon sa buhay. So yun nga, back to school ang peg ko ngayon. Isang taon akong mamamaalam sa social life (kung mayroon man!) at ilulugmok ang sarili sa pagitan ng paghahanap buhay at pag-aaral. Ito na rin ang naisip kong pinakamabisang paraan upang makalimot at tuluyan nang maka-move on. Oha!


E bale nitong nakaraang araw, nakakita ako ng isang recent photo ni ex at kitang kita ko sa mga mata nyang masaya sya ngayon. Nabadtrip ako. Hindi dahil sa ayaw ko syang maging masaya. Uhmm, o sya sige, oo na, ayoko syang makitang masaya agad. Bitter na, bitter lang? Pero yun nga, sooner or later kailangan ko rin namang tanggapin ang katotohanang masaya sya ngayon sa iba.

LET GO.

Yan ang dapat kong ginagawa imbes na magpaka-busy at piliting makausad sa buhay. Hindi pala sapat ang basta magpaka-abala at pagkalimot. Hindi ko nare-realize na hindi pa rin pala ako tuluyang nakaka-move on dahil napaka-bigat pa rin ng bagahe ko. Kumbaga sa airport, hindi ako maka-boarding dahil sa check in pa lang ng bagahe, sobra sobra pa ang kailangan kong tanggalin. Hindi ko talaga makukuha yung kaligayahan ng gusto ko makuha dahil napakabigat pa rin ng bagahe ko. At honestly, hindi ko pa kayang bitawan lahat nang sabay-sabay. Napakarami kong issue sa buhay at isa lang doon ang pagkakadurog ng puso ko dahil sa huling relasyon ko. Sabi nga ni Leo Martinez, "Ala-eh isa isa la-ang at mahina ang kalaban."

Ngayong 2015, isa-isa ko nang bibitawan ang mga kapaklaan at kalungkutang naidulot sa akin ng nakaraang taon. Panahon na para tigilan ang pagdedepress-depressan at magbukas ng ampat na espasyo sa puso ko para sa mas magaganda at mas masasayang bagay.

Bagong taon, bagong tao?

Katulad ni Laida Magtalas sa pelikulang It Takes A Man and A Woman, kailangan ko na rin bumuo ng mas nag-improve at mas poging bersyon ng ako. O sige, wag na mas pogi - basta improved na lang. Isang bagong DAN LLOYD CRUZ VERSION 2.0!


Pero sa ngayon, matapos ang mahabang pasakalye at mga cheche bureche at pagbulalas ng mga hinaing at angst at kung anu-ano pang shit sa buhay, kailangan ko na rin muna i-let go ang laptop at balikan ang mga homeworks na dapat kong inaatupag. O sya, babush!

Sunday, December 30, 2012

malinis ba ang iyong bayag?

ilang mga daliri na naman kaya ang magiging piniritong longganisa ngayong bagong taon? yung wakwak, nagmamantika at mapulang longganisa. ilang maliliit na tindahan kaya ang masusunog? ilang mga bahay ang matutupok? sa pagpitada ng bagong taon, kasabay ng maingay na tugtugan, putukan at walang kamatayang bidyoke sa kalye ay mayroon siguradong mga umiiyak.

pero sigurado rin ako dito:

masayang masaya na naman ang mga malalaking negosyante ng mga paputok. hindi yung mga nakikita mong nagbebenta sa mga maliliit na tindahan kundi yung mga nagsu-supply. yung mga hindi nasusunugan ng puwesto. yung mga hindi nahuhulihan ng illegal. yung mga nagpapatakbo sa makinarya ng konsumerismo ng bansa.

tama, ang mga malalaking negosyanteng intsik na di kayang kantiin ng mapurol na pangil ng ating saligang batas. at bago pa umangal ang iba, oo. karamihan sa kanila ay mga intsik (o may lahi). tanungin mo pa sila henry sy, lucio tan at pati ang president mo. silang mga may-ari at nagpagawa ng mga kalsada, gusali, negosyo at kung anu-ano pang shit. silang mga pinagkakautangan ng loob ng mga paaralan, simbahan at pulitiko na every year ay may libre pa-tikoy pa. silang may kontrol sa igagalaw ng puppet nating bansa (na itinuturing nating "malaya") at sa media sa kung ano lamang ang gusto nilang ibigay na impormasyon sa masang pilipinong panatiko ng mga reality shows at teledrama. oo, hindi man sila nagsisinungaling sa atin, pero hindi rin naman nila sinasabi ang lahat ng katotohanan. hindi tayo bulag sa katotohanan, tayo ay binubulag sa katotohanan. ipinapakita lang nila sa tv ang mga maliliit na mga kriminal na nagnanakaw, pumapatay at nanloloko ng kapwa dahil sa kalam ng sikmura. pero hindi nila pinapakita ang mga sarili nilang mismong nagnanakaw at pumapatay sa ating bansa. gusto nilang mapaluha tayo sa mga nagdarahop na mga maysakit at nasalanta na inaabutan nila ng relief goods at sa mga batang nabibigyan nila ng libreng tsinelas kahit na ang dapat na ibinibigay nila sa mga ito ay libre at dekalidad na edukasyon.

kaya ngayon, harap-harapan man tayong nakawan, wala tayong magagawa dahil hawak nila tayo sa bayag. paalam, spratly islands.

at ngayong papasok na naman ang panibagong taon, sapat na sana para magtimpi ka pa sa mga kabullshitang nagaganap sa paligid mo. sa halip na tumunganga sa mga fireworks display, tumalon-talon at gawing longganisa ang mga daliri mo, bakit di ka maupo sa harap ng computer at iadd ako sa facebook? joke. ikaw ang bahala kung pano mo sasalubungin ang bagong taon - nakapolka dots man o stripes o hubo't hubad. araw ng kamatayan ngayon ng pambansang bayani at malamang dismayado sya sa naging resulta ng pagpapabaril nya sa likod. wala naman syang paki sa isang lumang rebulto o kung nailagay man ang ulo nya sa piso dahil namatay sya para sa tunay na kalayaan - hindi para sa mga recognition at mga karangalan shit na yan. okay, balik sa topic. ikaw nga kasi ang bahala kung pano mo sasalubungin ang panibagong taong parating. at oo, ako na paulit-ulit dahil gusto kong lang mailahad nang husto ang aking punto. ikaw ang bahala kung paano mo titingnan ang lipunang ginagalawan mo - matuto kang magisip o manatili kang bulag sa katotohanan. pero ang tanong ko sayo:

hanggang kailan ka magpapahawak sa bayag? malinis ba yan? nakakahiya naman sa kanila.

Sunday, March 11, 2012

hiatus over?

hindi ko rin talaga alam.

hindi ko rin talaga alam kung paano at bakit antagal kong walang nailathala sa blog kong ito. nawalan ng drive? inspirasyon? nope. hindi naman sa nawalan ng drive o hindi inspired, dapat pa nga mas marami akong mga naisulat kung inspirasyon lang ang paguusapan. kung hindi pa naman obvious sa inyo - oo, may girlfriend na kasi ako. at oo ulit, sobrang inspired ako in many different ways.

sige, kahit walang nagtatanong, mageexplain ako kung bakit antagal kong hindi nagsulat ng blog entry.

una sa lahat, medyo busy din naman kasi ako. dalawa ang trabaho ko - guidance counselor sa umaga, pokpok sa gabi. char. kung anu man ang trabaho ko, wala na yung kinalaman sa blog na ito. basta medyo bawas na ang freetime ko para magsulat ng mga kung anu-anong shit. sensya na, busy lang.


pangalawa, inlab ang ginoong danibab. malamang sasabihin nyo sakin na "eh inlab ka pala eh, dapat inspirado ka - mas ganado kang magsulat". agree naman ako dyan. walang patumanggi. at kung babasahin nyo naman ang mga huli kong posts, halos lahat ay patungkol sa temang pagibig. pero kahit na, antumal pa rin at halos tatlong buwan akong hindi nagsulat ng "blog" entry talaga. ganito kasi yun. hindi naman panay kilig moments lang at pasweet-sweet ang ginagawa ng isang boyfriend. syempre, may ampat na oras din akong nilalaan para tawagan at i-txt at iba pang paraan para magparamdam ng pagmamahal para kay gelpren. extra effort kumbaga dahil long distance love affair ang drama namin ni madam.

so basically, busy lang talaga ako. pero ang totoo nyan, may pangatlo pang reason. at ito ang pinakamahalaga. ayoko na kasing magkwento ng mga madadrama at magugulong events sa buhay ko tulad nang nakasanayan ko dati. well, hindi naman sa ayoko na talaga, minsan may mga magaganap pa ring worth blogging for tulad ng pag-bahing at pag-utot nang hindi napapapikit. kung may narealize kasi akong mahalagang bagay simula nang naging kami ni gelpren, isa siguro ay yung konsepto ng "privacy". yun bang hindi lahat ng nangyayari sa buhay natin ay kailangang ipaalam sa mundo. oo, madalas pag nagra-rant ako about sa mga problema ko or mga badtrip na kaganapan sa buhay ko, nakakatulong dahil nailalabas ko yung saloobin ko. pero minsan nasosobrahan na rin pala ako. though nahahaluan ko ng humor at life lesson, still, mali pa rin na ipaalam sa mundo na putangina kasi si family member na ito, pakshit si officemate na yan.

ang nangyayari kasi ngayon, nagiging normal na parte na lang ng buhay natin ang magshare o magkwento ng mga kung anu-anong shit sa publiko. mula sa pinakawalang kwentang facebook status hanggang sa pinakamalalalim na saloobin ng isang tao ay maaari na nating mabasa sa tulong ng internet. mas nakikilala mo ang isang tao, mas nakikita mo ang kanyang pagkatao.

naaabuso na kasi ng marami sa atin kabilang na ako ang pribilehiyong ito. ang pribilehiyo na marinig at pakinggan. kahit wala naman kaming pakialam kung matigas at mahapdi sa pwet ang itinae mo, wala kaming magagawa dahil gusto mong ipaalam sa amin yan. lahat may gustong sabihin, lahat may gustong ipaalam sa mundo hanggang sa mabura na ang konsepto ng privacy. halos lahat ng tungkol sa iyo, alam na ng publiko kahit hindi ka naman celebrity.

yun lang. hangga't maaari, mas liliitan ko ang butas kung san pwede nyong masilip ang pribado kong buhay. magsusulat pa rin ako ng mga tula at mga piksyunal na kwento na matagal ko nang hindi nagagawa - pag nagkaron ako ng free time. hehehe.

o sya, txt2 na lang. ingat!

Tuesday, September 20, 2011

kumbucket kelangan mong mangelam?


dahil bahagi ka at apektado ka ng nagaganap sa lipunan. hindi ka basag na hollow blocks na nakatambak sa bakanteng lote. hindi ka bulaklak ng gumamela na dinidikdik at ginagawang pabula. hindi ka posteng nakatayo lang at iniihian ng mga lasing twing gabi. hindi ka bagay, lugar, hayop, pangyayari o pagkain dahil punyemas hindi naman ito pinoy henyo. 

tao ka. 

tao ka na may mata na siguro nama'y hindi bulag. may tenga na sana rin nama'y hindi bingi. may betlog na umuurong pag giniginaw sa gabi (kung lalaki ka). may damdaming malamang at dapat lang naman ay nasasaktan sa mga kabalintunaang nagaganap sa iyong bayan.

kung bakit dapat kayong makilahok sa malawakang protesta laban sa BUDGET CUT? simple lang, dahil minsan sa mga buhay ninyo ay itinaas nyo nang matuwid ang inyong kanang kamay ay sumumpa ng katapatan sa bayan. kabataan raw ang siyang pagasa ng bayan. pero paano mo aasahan ang mga kabataang walang matinong pinagaralan? EDUKASYON ANG PUNDASYON NG MATIBAY NA LIPUNAN. para hindi tayo nakasandal nang nakasandal sa mas malalaki at mapagsamantalang bansa. hindi tayo inuuto. hindi tayo hina-haras. hindi tayo pinagtatawanan.




kung hindi ka kikilos, wag kang magtataka kung sa mga susunod na taon ay hindi lang planking ang ipagbawal. baka bawal na rin mag-isip. pero pwede pa ring mangurakot, mandaya sa halalan, pumaslang ng aktibista at mang-massacre ng media nang walang pangamba.

tas bawal na rin mag-facebook. lagot na.

Friday, July 29, 2011

Friday, July 1, 2011

RESSURECTING DAMASO

di ko alam kung bakit anlaki ng problema ng simbahang katoliko sa homosexual community. di ko talaga mahanapan ng tamang sagot ang tanong kong ito. kung bakit ba malupit ang lipunan sa mga taong gumawa lang ng isang mabigat na desisyon upang maging masaya. bakla, bading, jokla, tibo, obit, tongril, baklush... at kung anu anu pang tawag sa kanilang mga napapabilang sa "third" sex. kung may third sex, anu iyon? bakla o tomboy? edi dapat may fourth sex. kitams, pinagkaitan pa talaga ng ikaapat. edi mag-aaway pa sila. oo, minsan may ilang talaga na nakakasuya at nakakaalibabad tingnan. pero may mga straight din namang mas nakakabadtrip pang tingnan - para bang napagiwanan ng evolution of man. hindi naman nila kasalanan kung naging bakla o tomboy sila. walang masama sa paglihis ng gender preferences. hindi rin ito sakit kaya di sila dapat kaawaan o bigyan ng lunas. hindi ito krisis sa sarili o pagkalito. nagkakaron lang non sa mga nakatago sa aparador. choice lang ang ginawa nila. choice para maging masaya sa sarili. wala silang sinaktan o niyurakang karapatan. 


teka, bago mo ako litanyahan ng mga berso mo sa bibliya. uunahan na kita - wala akong paki dyan. hindi dapat mangibabaw ang relihiyon (partikular na ng kristiyanismo) sa estado dahil una sa lahat, hindi naman lahat ng mamamayan ay kristiyano. wag nating kalimutang diverse ang kultura ng ating lahi. wag ninyong isara ang utak nyo sa mga sarili ninyong paniniwala. so please lang...


ang marriage o pagpapakasal o matrimonya (o kung anu pa mang tawag mo dyan), sa pinakapayak na depenisyon, ay ang pagiisang dibdib ng dalawang taong nagmamahalan. oo, ayon sa family code ng pilipinas malinaw na nakasaad na:
Marriage is a special contract of permanent union between a man and a woman entered into in accordance with law for the establishment of conjugal and family life.
at sinasabi ring isa sa mga requisites ng isang valid na kasal ay:
Legal capacity of the contracting parties who must be a male and a female.
malinaw na malinaw. man and woman. male and female. malinaw pa sa sikat ng araw sa kalagitnaan ng summer. nakasulat ito mismo sa saligang batas ng pilipinas. teka, inuulit ko:

SALIGANG BATAS NG PILIPINAS.

ang matibay at subok na matatag na saligang batas ng pilipinas. matuwid na naipatutupad. walang kinikilingan, walang kinakampihan. walang kaibi-kaibigan. walang kamaga-kamaganak. may ampat na hustisyang tunay nating maaasahan.

tingnan na lamang natin kung anung nangyari sa visconde massacre case.

ang matumal na pag-usad ng trial ng mga amputanginang ampatuan.

ang pagdakip at pagpatay sa mga aktibista.

ang dacer-corbito double murder case, may witness na't lahat ano nang nangyare?

si ate glo, sitting pretty sa kongreso. ganun na lang? 

Saturday, June 11, 2011

mock-abayan

syempre, uulan na naman ng mga tweets at mga posts sa facebook at tumblr ng mga katagang tulad nito:

happy independence day!
maligayang araw ng kalayaan!
mabuhay ang pilinas!

at kung anu-ano pang nasyonalista shits.

oo, elementarya pa lang alam na nating araw ng kalayaan ang ika-12 ng hunyo kada taon. ito yung araw na obligado tayong gumawa ng philippine flag gamit ang art paper at maliit na patpat. tapos ito yung araw na paulit-ulit na maririnig ang "ako ay pilipino" sa mga classroom at kung anu-ano pang pakulo masabi lang na nakikiisa tayo sa celebration ng independence day. mga bata pa lang tayo tinuturuan na tayo kung pano maging makabayan.

pero sa panahon ngayon, ilan na lang ba talaga sa atin ang nakakapagsabi na "ansarap maging pinoy" sa mga ordinaryong pagkakataon. yung kahit walang laban si manny pacquiao ay may mga bandila pa ring naka-display sa lansangan. yung imbes na sa mga koreano o kay justin bieber ay mas humahanga pa rin tayo sa galing ng opm. yung imbes na mommy ay nanay pa rin ang tawag ng bata sa kanyang ina. yung talagang buong buo sa puso mong maligaya kang maging pinoy - hindi lang yung basta lang maka-proud to be pinoy dahil sa mga kababayan nating sumisikat sa international scene.

oo, globalisado na nga tayo. at syempre sa bilis ng makinarya ng makabagong sistema, hindi pwedeng hindi tayo makikisabay kung ayaw nating mapagiwanan ng ibang bansa. dahil bukod sa fact na isa lamang third world country ang pilipinas ay para bang hindi na tayo makatakas mula dito - hawak tayo sa bayag. at dahil sa hindi magapi-gaping kahirapan, nakukuntento na lang tayo sa mga short term na ginhawa tulad ng malling, uminom ng beer, panonood ng tv at kung anu-ano pang shit. maraming mga foreign influences ang nakaapekto na sa ating mga ugali, kilos, pananalita at panlasa. pero di ba mas maganda sana kung despite all the changes ay intact pa rin ang ating kultura? sana lang. kaya nga kasi araw ng kalayaan diba. malaya. malaya tayong maging tunay na pinoy nang hindi nahihiya o naiinggit sa ibang lahi.

ma-la-ya.

ang tunay na pagiging makabayan ay hindi isang one-day thing lang. hindi yan nakukuha sa pagbati ng happy independence day tuwing june 12. at kung talagang proud ka sa pagiging isang pinoy, ipakita mo nang wagas. dahil tulad ng pagibig, sex at pag-ihi... hindi yan sinasabi - ginagawa.

mabatukan ka pa ng kaluluwa ni bonifacio.