Showing posts with label pagibig. Show all posts
Showing posts with label pagibig. Show all posts

Tuesday, February 2, 2016


i want to be the one who will push you at the edge of the cliff

i want to be the one to witness you fly

the one who will satisfy your thirst

for answers

for peace

the one who will spark up your passion

the fuel to your flame

i want to be the one who makes you happy

every single day

every single quantifiable eternity

Tuesday, January 12, 2016

Thursday, January 7, 2016

#pagibig

nais kong mahiga sa tabi mo at pagmasdan kang mapayapang nahihimbing. handa akong manatiling mulat habang malayang naglalakbay ang iyong sapantaha sa alapaap ng masasaya nating pangarap at mga alaala. mataimtim at malugod na babantayan ang iyong mayuming pagtulog, kawangis ng rosas na kalangitang pinintahan ng araw na papalubog; ang maliit na siwang ng iyong magandang bibig. bibilangin ang bawat butil ng pekas sa iyong mukha habang ibinubulong sa iyo ang pangakong walang bilang ang tutumbas sa aking pagibig. marahan kang hahagkan sa noo kasabay ng pag-usal sa hangin ng aking panalanging di na sana magwakas ang ating gabi. at kung magwakas man, ang nais kong unang matikman sa pagsibol ng panibagong umaga ay ang matamis mong mga labi. ikaw ang hamog na didilig sa kaparangan at ako ang mga dahong nabubuhay sa iyong kagandahan. ikaw ang masiglang pagsikat ng araw at ako ang mga ibong magigising sa ngiti mong nakakasilaw.

ikaw ang una, huli, at gitna. ako ang wakas, ang gita, at ang simula.

sa piling mo, mahal ko, walang araw at walang gabi.

ikaw. ako. tayo.

walang saysay ang magbilang ng oras, kapag ikaw ay katabi.

Sunday, December 27, 2015

B

ayos maging makata
sa mga gabing ika'y lumuluha
may pagsisidlan ang mga salita
na naguukit ng mga hiwa
humihina ang pagtangis
sa pagsibol ng mga tula
kumakalma ang pag-alon 
ang daluyong ng emosyon
ang panaghoy
ang pagsinghal
ng isang pusong pagal
kaya ayos maging makata
ang wasak na damdamin
ibuhos sa pagtula

ayos maging makata
sa mga araw na puno ng sigla
may pagsisidlan ang mga salita
na gumuguhit ng mga tawa
ang naguumapaw na tamis
isangkap sa mga tula
palayain mula sa kahon
ang mga ikinukubling emosyon
ang galak
ang kilig
ng isang pusong umiibig
kaya ayos maging makata
ang rumaragasang damdamin
ibuhos sa pagtula

Friday, December 18, 2015

makulay

sa pagitan ng itim at puti
ngumingiti
tumatangis
tumatawa
kinikilig
kinakabahan
nangangarap
kayraming kulay
ang magpipinta sa ating buhay
walang sigurado
puro posible
pero araw-araw
ikaw ang pinipili ko
ang maging makulay
sa piling mo

#colorful

Monday, January 5, 2015

Bagong Taon, Bagong Tao?

Ngayon ang unang Lunes ng 2015. Ngayon pa lang talaga nagumpisa ang bagong taon para sa karamihan. Yung unang apat na araw, yun yung part na nagpapalakas ka ng loob, motivate-motivate chenez, pagpapaalam sa "roller coaster ride" na 2014, at kung anu-ano pang PEP talk sa sarili.

Ngayon ang unang araw ng pagbabalik ko sa iskwela bilang isang mag-aaral. At syempre, as usual naman, imbes na tinatapos ko ang homeworks na due na mamayang alas tres ay napili ko pang mag-blog - saktong sakto lang sa title, ukininam. Sabi ko nga, "cramming brings out the best in me" pero syempre walang magandang implikasyon yon sa buhay. So yun nga, back to school ang peg ko ngayon. Isang taon akong mamamaalam sa social life (kung mayroon man!) at ilulugmok ang sarili sa pagitan ng paghahanap buhay at pag-aaral. Ito na rin ang naisip kong pinakamabisang paraan upang makalimot at tuluyan nang maka-move on. Oha!


E bale nitong nakaraang araw, nakakita ako ng isang recent photo ni ex at kitang kita ko sa mga mata nyang masaya sya ngayon. Nabadtrip ako. Hindi dahil sa ayaw ko syang maging masaya. Uhmm, o sya sige, oo na, ayoko syang makitang masaya agad. Bitter na, bitter lang? Pero yun nga, sooner or later kailangan ko rin namang tanggapin ang katotohanang masaya sya ngayon sa iba.

LET GO.

Yan ang dapat kong ginagawa imbes na magpaka-busy at piliting makausad sa buhay. Hindi pala sapat ang basta magpaka-abala at pagkalimot. Hindi ko nare-realize na hindi pa rin pala ako tuluyang nakaka-move on dahil napaka-bigat pa rin ng bagahe ko. Kumbaga sa airport, hindi ako maka-boarding dahil sa check in pa lang ng bagahe, sobra sobra pa ang kailangan kong tanggalin. Hindi ko talaga makukuha yung kaligayahan ng gusto ko makuha dahil napakabigat pa rin ng bagahe ko. At honestly, hindi ko pa kayang bitawan lahat nang sabay-sabay. Napakarami kong issue sa buhay at isa lang doon ang pagkakadurog ng puso ko dahil sa huling relasyon ko. Sabi nga ni Leo Martinez, "Ala-eh isa isa la-ang at mahina ang kalaban."

Ngayong 2015, isa-isa ko nang bibitawan ang mga kapaklaan at kalungkutang naidulot sa akin ng nakaraang taon. Panahon na para tigilan ang pagdedepress-depressan at magbukas ng ampat na espasyo sa puso ko para sa mas magaganda at mas masasayang bagay.

Bagong taon, bagong tao?

Katulad ni Laida Magtalas sa pelikulang It Takes A Man and A Woman, kailangan ko na rin bumuo ng mas nag-improve at mas poging bersyon ng ako. O sige, wag na mas pogi - basta improved na lang. Isang bagong DAN LLOYD CRUZ VERSION 2.0!


Pero sa ngayon, matapos ang mahabang pasakalye at mga cheche bureche at pagbulalas ng mga hinaing at angst at kung anu-ano pang shit sa buhay, kailangan ko na rin muna i-let go ang laptop at balikan ang mga homeworks na dapat kong inaatupag. O sya, babush!

Sunday, September 29, 2013

sabi nila, walang rules ang pagibig. sabi ko naman, gago ba sila?

noong mga primitibong panahon lang nauuso ang free for all. ngayong sibilisado na ang mga tao, kailangan na ng mga rules - lalo na sa pagibig.

hindi ako perpektong mangingibig, inuunahan ko na kayo. pero syempre, pinipilit ko. hindi rin ako love expert at mas lalong hindi ako dalubhasa sa sociology pero through personal experiences at sa mga aral na napulot ko sa mga pelikula, libro, blogs at chismis sa iba e nag-come up ako dito sa sampung panuntunan kung paano maging isang mabuting boypren. naks!

MY TEN TIPS ON BEING A POGI GOOD BOYPREN:

1. Be consistent

kapag nanliligaw ang isang lalaki, doon lumalabas ang lahat ng creativity niya sa pagpapakilig at pagpapalambot ng puso ng nililigawan niya mapasagot lang niya ng pagkatamis-tamis na oo. pero karamihan sa mga ating kalalakihan ay hindi consistent. after some time na naging sila na e nauubos na yung mga efforts niya para pakiligin si girlie. wag ganun mga tol. wag kang maging kampante na naging kayo na ni girlie. hindi ron natatapos ang panliligaw na parang politikong after eleksyon e hindi mo na mahagilap. kung nung first day ay sweet ka, dapat everyday sweet ka. kung nung first day nangako kang iibigin sya nang wagas, ituloy tuloy mo hanggang mga buhok mo'y malagas. o diba, rhyming?

2. Be honest, be really honest. 

honesty is the best policy. kahit san ka magpunta, walang may gusto sa sinungaling. wag na wag kang magsinungaling dahil lalabas at lalabas pa rin naman ang totoo. hindi lang siya ang niloloko mo kundi pati ang sarili mo kaya be honest - be really honest. mas lalo na pagdating sa opinyon at saloobin mo sa isang bagay. sabihin mo kung anong totoong nasa isip mo. piliin mo nga lang syempre ang mga ampat na salita para taliwas man sa argumento niya, at least maayos at hindi mauuwi sa away ang usapan.

at syempre kasama na dito yung "wag kang makikiapid". don't ever cheat on her. not even "almost". di ko na dapat sabihin yun dahil alam mo na dapat yon. self-explanatory ba.

3. She'll live with or without you - you're not the center of the universe.

unless kasal na kayo, wag kang umasang mauuna ka sa kanyang mga priorities dahil hindi ikaw ang sentro ng kanyang uniberso. tanggapin mo yun at respetuhin. wag kang makipagkumpitensya sa kanyang pamilya o sa thesis o sa kanyang trabaho. kung hindi ka niya nabibigyan ng oras, dun ka magreklamo. tandaan mo, nanligaw ka lang, pwede ka niyang iwan anytime. may sarili na siyang mundo bago ka pumasok sa buhay niya kaya wag mo syang ikulong sa sarili mong mundo. give her freedom.

4. Be the best version of yourself - or at least try.

syempre, hindi lang naman din siya ang sentro ng iyong uniberso. mayroon ka pa ring responsibilidad sa sarili mo. be the best version of yourself. hindi lang para sayo kundi para na rin sa kanya. i-update mo ang sarili mo sa kung anung bago at mahalaga sa mundo.

equip yourself with knowledge. trust me, kahit sa zombie apocalypse, mas makakasurvive yung matatalino. pogi points sa mga babae yung taong reliable sa useful na impormasyon. at helpful din kung marami kang alam para wag kang maging boring kausap - kthnxbye.

iwas bisyo. kung kaya mong iwasan, iwasan mo na. para sa sarili mo rin yan. hindi astig ang yosi at hindi nakakatuwa ang mga taong lasing. (may karapatan na akong magsabi nyan dahil matagal na akong hindi nagyoyosi at alam ng lahat na mahina ang tolerance ko sa alak. hihihi.)

have long-term goals.

mahalaga yung may pangarap ka sa buhay at may master plan kang tinatahak para maabot yun. mahalagang maiparamdam mo sa kanya na may patutunguhan ang relasyon ninyo, hindi yung nagaaksaya lang ng kuryente at load sa paglalandian. walang ibang direksyon ang buhay kundi pasulong kaya't kung wala kang pangarap o balak man lang umasenso, e wag mo nang abalahin ang sarili mo. siya na rin mismo ang magsasawa at makikipaghiwalay sa iyo.

kung estudyante ka pa lang, ayusin mo muna acads bago landi. kung nagtatrabaho ka na, sipagan mo pa pataas at wag makuntento sa ibaba. kung hindi ka estudyante at wala ka ring trabaho, e ang kapal naman pala ng mukha mo mag-syota. ayusin mo muna buhay mo, bago ka mandamay ng iba.

5. Communicate

hindi dahil araw-araw kayong magka-txt e nagko-communicate na kayo. maging open ka dapat sa kanya sa lahat ng mga nararamdaman at naiisip mo dahil hindi naman siya manghuhula para malaman ang lahat nang iyon nang hindi mo sinasabi. bukod sa pagiging open, kailangan mo rin matutong makinig. alamin mo at intindihin ang mga sinasabi nya. sa ganitong paraan mas makikilala ninyo ang isa't isa.

mahalaga rin ang non-verbals.

hindi sa lahat ng pagkakataon, sasabihin ni girlie kung ano ang tunay niyang nararamdaman. matuto kang maging sensitibo at makahalata. basahin mo sa mga kilos niya o sa tono ng kaniyang pananalita kung masaya ba sya o kung may iniindang sakit o kung nasa tamang timpla ba ang mood niya.

pero tayong mga lalaki, wala tayong karapatan sa non-verbals na yan. ang tunay na lalaki, walang kung anu-anong shit. wala tayong karapatang mag-inarte dahil tayo'y mga alipin lamang ng kanilang pagibig. naks!

6. Make her laugh.

para sa akin, mahalaga na napapatawa mo siya at least isang beses man lang sa isang araw. mapagaan mo man lang yung loob niya kung medyo mabigat. o kahit walang dahilan, basta patawanin mo lang siya. malakas makagaang ng puso ang pagtawa. nakakabawas ng stress, iniinda mo man ito o hindi. mas magaang ang puso, mas maluwang ang space para sa mga positibong bagay.

tandaan mo, naging boyfriend ka hindi para maging pabigat.

7. She is always right. Even if you think she's wrong, she is always right.

darating at darating ang mga bwisitan moments kung saan hindi magtutugma ang mga opinyon at pananaw ninyo sa buhay. mag-aaway kayo at magtatalo dahil walang relasyong binuo nang perpekto. pero para sa akin, mas ayos na lang ang magpatalo, kaysa pahabain ang isang away. kung mahal ninyo ang isa't isa eventually magbabati rin naman kayo, bakit mo pa patatagalin di ba?

ipaliwanag mo yung argumento mo nang maayos, tapos humingi ka na rin ng sorry. magpatalo ka na dahil pag naghiwalay kayo sa katigasan ng ulo mo, hindi mo mayayakap at mahahalikan ang pride mo.

at kung kasalukuyang umaatake ang sumpa ng regla sa kanyang katawan, wag ka nang makipagsabayan sa ragasa ng mga hormones. wala kang panalo, yun na yon.

8. She will change. You will change. Everything changes.

tanggapin mo ito. lahat naman nagbabago, sino bang hindi? lahat ng mga experiences natin, babaguhin tayo at ang mga pananaw natin sa buhay. magbabago ang mga likes and dislikes. magbabago ang taste sa pananamit. pati pananalita.

ang challenge lang ay kung paano mo siya mapapanatiling in love sayo.

at magbago at mag-grow na kasama ka.

9. Her friends are your friends. Her family is your family. 

mahalin mo ang mga taong mahal niya dahil bahagi sila ng pagkatao niya. masarap din syempre yung pakiramdam na tanggap ka ng pamilya niya lalo na ng parents niya.

at ang mga kaibigan? di mo man sila maging friends, at least wag maging kontrabida. trust me, you don't want that to happen. dahil once na may stupid bitch friend si girlie na ayaw sayo, para syang nagkaroon ng magnifying glass na magpo-point out ng mga mali at dungis ng pagkatao mo.

10. Give your 100%.

sandaang porsyentong pagibig.

hindi ako yung tipo nang nagrereserba. kung kaya mo namang itodo, itodo mo na. hindi mo alam kung kailan darating ang kamalasan baka isa sa inyo e mawala kinabukasan. at least bago man lang mangyari yon, nasabi mo ang mga nais mong masabi at naiparamdam ang nais mong maiparamdam.

sandaang porsyentong pagtitiwala.

matuto kang magtiwala nang buong buo dahi kung talagang mahal ka niya e wala siyang gagawing ikasasama ng loob mo. kapalit nito ay ang pagtitiwala rin niya sayo. bigyan mo sya ng kalayaang gawin ang mga bagay na gusto niya nang hindi mo siya tine-text kada minuto. ilagay mo sa lugar ang selos mo (lalo na kung di ka naman guwapong tulad ko). walang taong hindi napapagal sa isang relasyong  nakasasakal. o diba, rhyming ulit?




Sunday, January 20, 2013

Anunsyo Klasipikado


Mula sa mga reta-retasong freetime sa tanghali, sa gabi, sa madaling araw at maging sa pinakamalalim na pagkakahimbing ng mapaglakbay kong sapantaha - muli akong nakapaglalaan ng oras upang makapaghabi ng kwento. Mula sa mga tagpi-tagping alaala ng mga moral lessons, punchlines, at iba pang mga kalokohan at kalibugan mula sa mga taong nakasalamuha ko (lalong lalo na si Edison Faeldonia) ay bubuo ako ng pinakamagandang istorya na iibigin ng mga mambabasa sa buong mundo - pati sa Japan.


Minsan kasi may expiration date ang gana ko sa pagsusulat gaya ng enerhiya ni Ultraman na sa kalaunan ay nalo-lowbat. May ibang tao na ang tawag doon ay writer's block pero ang tawag ko dun ay katamaran. Pero gayunpaman, tulad rin ni Popeye na nagpapagulpi muna sa umpisa saka kumain ng spinach o ni Alexis na after manilip sa panty ni Annie ay tuluyang nag-anyong Shaider, balik na naman ang sigla ng aking trip na mag-feeling nobelista. Naks!



Matagal siguro muna bago ako makapaglalathala ng mga bagong blog entry. I'm working on something big - my first novel.  




Thursday, December 13, 2012

2012: of love and challenges

Challenging.

Kung susumahin ko sa isang salita ang buong taon ng 2012, ito ang sa tingin ko'y maglalarawan sa itinakbo ng buhay ko sa loob ng mga nakaraang buwan - challenging.

LOVELIFE

Pumasok ang taon na ito na may magandang simula. Nasa Pilipinas ako noong January at mahigit isang buwan ko rin nakasama si Mariel. Sa loob ng maikling panahon na iyon, maipagmamalaki ko namang naparamdam ko nang wagas sa kanya kung paano ang tunay na pagaalaga sa isang minamahal. Naipagluto ko sya ng maaalat na putahe, naipagtimpla ng mala-istarbak na kape habang gumagawa ng paperworks sa trabaho, minasahe ko ang paa nya matapos ang maghapong paglalakad sa mausok at maalikabok na kalsada ng Maynila at kung anu-ano pang shit. Pinagsilbihan ko sya na parang reyna at hanggang ngayon, namimiss kong gawin ang lahat ng iyon - pagkat ako'y alipin ng matamis nyang pagibig. naks!

At syempre, tulad ng lovelife ni Kris Aquino, bawat bakasyon ay mayroong wakas. Bumalik ako rito sa Amerika noong Pebrero bitbit ang mabigat kong mga bagahe at damdamin. Para akong batang hindi hinataw ng sinturon sa hita kung makahagulgol. Mula NAIA hanggang San Francisco Airport ay naiyak ang lolo nyo. Kung sasabayan mo nga ng awit ni Christian Bautista, pwede na ngang gawing music video ang drama ko. Balik Amerika, balik sa dating gawi - long distance love affair. May mga moments na nakakabaliw dahil sobrang miss ko na siya o minsan ay inaatake sya ng mga rumaragasang hormones every month. Natural lang naman na minsan ay may tampuhan pero sa tulong ng internet, telepono, ng aming wagas na pagmamahalan at gabay ni Papa Lord, kami pa rin hanggang ngayon. Yikeee! Kilegz!

KARIR

April, umalis ako sa part time job ko na pagaalaga ng isang matandang lalaki at nakapasok ako sa isa pang nursing facility - bale dalawang full time job. Simula noon, pansamantalang kinalimutan ko ang salitang day off. Literal na walang day off dahil kapag wala akong sa isang trabaho, may pasok pa rin ako sa isa. Ganun ako kasipag. Patay kung patay.

Di ko alintana ang pagod at kawalan ng ampat na pahinga dahil lahat ng yan ay nawawala kapag may pasahod na. Mas marami akong pera. Mas marami akong naitutulong sa bahay at sa iba. Bale maguumpisa ang paghahanapbuhay ko ng 2:30 ng hapon hanggang 10:30 ng gabi sa isang trabaho. Paglabas ko run, dadaan lang ako ng store para bumili ng makakain tapos derecho na ako sa susunod na trabaho na maguumpisa ng 11:00 ng gabi hanggang 7:00 ng umaga. Sa loob ng mahabang oras na yun, kaharap ko ay iba't ibang klase ng matatanda mula sa mga simpleng makakalimutin hanggang sa mga matatandang bilang na lamang ang mga oras nilang nalalabi.

Masarap ang pakiramdam ng may napapangiti kang mga pasyente lalo na't alam mong may nararamdaman silang sakit sa katawan at sa puso. Marami sa kanila ang may iba't ibang klase ng malulungkot ng kwento at dahil nabiyayaan ako ng di matatawarang kadaldalan, mapalad naman akong makilala sila nang husto at marinig ang kani-kanilang mga kwento. Mga kwentong akala ko sa pelikula lang nagaganap. Mga kwentong nagbigay pa ng inspirasyon at aral na hindi sa kung saan lamang basta maaapuhap.

So matapos ang segue na iyon, makakauwi na rin ako sa wakas ng around 7:30 ng umaga at paglapat ng katawan ko sa kama, sya naming hawak ko sa telepono dahil oras naman para tawagan si love of my life. Tulad ng Misa de Gallo na walang bibingka't puto bungbong, hindi kumpleto ang mahabang araw ko kung di ko maririnig ang boses ni Mariel. Kahit anung pagod o antok ko, kailangan makausap ko muna sya bago ako matulog. Nais kong kamustahin ang itinakbo ng araw nya, kung ayos lang ba ang lahat, o kahit maikling kwentuhang walang kabuluhan lang - wag lamang lumipas ang isang buong araw na hindi kami nagkakausap. Wag lang maputol ang bonding, ang communication, ang connection. Para sa akin, hindi baling walang mapagusapang napaka-interesante o napakahalaga, basta marinig ko lang ang boses nya, basta marinig ko lang na ngumingiti sya - ayos na ako run.

OPPORTUNITY

August, dalawa sa mga mabubuti kong kaibigan noong highschool at kolehiyo ang humikayat sa akin na pumasok sa isang negosyo. Sa una nagdalawang isip talaga ako. Sino bang susugod na lang basta sa isang negosyo nang hindi nagiisip? Una sa lahat, sa sobrang abala ko saan ko pa isisingit ang pagnenegosyo sa schedule na mayroon ako di ba. Finally, naconvince rin nila ako at yun na nga, sumali ako na may halo pang takot at excitement sa panibagong adventure na ito. Bakit? Ituloy ang pagbabasa.

Ako yung taong nangangarap ng mataas para sa pamilya ko - lalo na para kay mommy. Gusto ko na syang pagpahingahin sa pagtatrabaho at gusto ko yun mangyari sa nang hindi pa sya matandang uugod-ugod. Gusto kong maranasan nyang mamuhay nang parang reyna bago pa man sya tumanda. Damay rin syempre sa pangarap ko si Mariel, ang mga kamag-anak ko sa Cavite at mga kaibigang gusto ko rin matulungan. Hindi ko matutupad yan lahat kung mananatili lang akong paaalipin sa dalawang trabaho ko. Bagama't hindi naman masama ang pasahod, hindi pa rin sapat ito para itulak ako paangat - papalapit sa mga pangarap ko. Kaya naisip kong pasukin ang pagnenegosyo dahil sa isang taong may kagustuhang umangat at magtagumpay sa buhay, hindi sapat ang marunong ka lamang mangarap - kailangan mong umaksyon.

CHALLENGE

Pinilit kong kayanin sa panandaliang panahon na bigyang oras ang lahat kahit halos hindi na ako nakakapagpahinga pero dahil hindi naman ako robot na de baterya, napagod din ako. Umabot ako sa puntong nakakatulog na lang kahit may nagwawalanghiyang ingay sa paligid. Di na ako kayang gisingin ng alarm clock at hindi na kayang pasiglahin ng redbull. Ang mahirap sa ganitong estado, madali kang mainis. Yung mga bagay na dating pinalalampas ko lang ay dumadagdag panggatong na sa init ng ulo ko. Mas lumakas na yung loob kong umangal at lumaban sa mga ulul kong katrabaho sa panggabi. Yung mga dating tinatawanan ko lang, hindi ko na kayang tiisin. Kaya't ano pa nga bang nararapat gawin kung hindi ka na masaya sa isang bagay?

Oo, galing mo naman.

Umalis ako sa trabaho kong iyon nung katapusan ng November at nanatili na lang sa isang full time job at sa inuumpisahan kong negosyo. Hindi na ganun kaganda ang pasok ng pera sa akin pero at least hindi na ako gaanong stressed (physically and mentally) di ba. Mas marami na akong oras para sa pamilya, kay Mariel, sa negosyo at sa pagsusulat (sa wakas!).

May ilang buwan na rin akong nagbibigay effort sa pagpapalawig ng pinasok kong negosyo pero sa awa ng bathalumang makapangyarihan ay wala pa rin akong resultang naaapuhap. Medyo malaking pera na rin ang nailabas ko pero wala pa ring bumabalik. Nakakaramdam na rin ako minsan ng kaba lalo na kapag dumarating ang mga sobreng naglalaman ng paalalang kailangan ko nang bayaran si ganito, may balance ka pa kay ganyan.

Alam kong hindi madali kaya't hindi ako sumusuko. Imbes na magmukmok o mamroblema sa lubak na kinasasadlakan ko ngayon, pinalalakas ko na lang ang loob ko dahil wala naming ibang direksyon na dapat daanan papunta sa mga pangarap ko kundi pasulong. Boring ang buhay na walang pagsubok na dadaanan at kung wala kang pinagdadaanan - wala kang patutunguhan.

Kung susuko ako, para ko na ring sinukuan ang sarili ko at tatanggaping isa akong talunan. Di ko na kayang talikuran ang mga pangarap ko para sa mga mahal ko.

Ayoko nang bumalik sa dati, gusto ko na ang bagong ako.

PASASALAMAT

Hindi magiging masaya at makabuluhan ang challenging na 2012 na ito kung wala ang suporta ng mga kapatid ko at ng hipster kong mommy.

Salamat kay Mariel na nagbibigay inspirasyon at kilig sa buhay ko. Kung bakit nakukuha ko pa ring ngumiti sa mga araw na sobrang busy at nakakabwisit - sya ang may dahilan. Nagkaroon ako ng mas malinaw na plano sa buhay ko dahil sa kanya. At mali ang iniisip nyo, di pa kami ikakasal. hihihihi!

Salamat sa mga bago kong kaibigay sa naging bago kong trabaho na naging mabait at matulungin sa akin noong kauumpisa ko pa lang hanggang sa ngayon.

Salamat kay Rhea at kay Lai na nagpakilala sa akin ng bagong oportunidad na masasabi kong binago na rin ang buhay at prinsipyo ko.

At sa walang sawang gabay at pasensya at pagmamahal na ibinibigay mo sa akin, maraming salamat po, Papa Lord.

Friday, November 2, 2012

alam mo yung pakiramdam ng ragasa ng dugo sa buo mong katawan na kinikilabutan na parang ang gaang ng pakiramdam mo na parang ansigla mo na di mawari na halos maluha ka na sa sobrang sarap ng nararamdaman mo at kasabay ng lahat ng yon ay ang mabilis na pagtibok ng puso mo.

ganun marahil ang nararanasan ng isang superhero sa moment na nagta-transform sya mula sa ordinaryong tao papalit sa anyo ng isang makapangyarihang bayani.

parang si darna pagkalunok ng bato;
parang si popeye pagkakain ng spinach;
parang si sailormoon pagkalagay ng kolorete sa mukha at kung anu-ano pang kalandiang kemerut sa katawan.

parang ako sa pagdating mo sa buhay ko.

naks! <3

Tuesday, April 24, 2012

"You are beautiful, but you are empty. One could not die for you. To be sure, an ordinary passerby would think that my rose looked just like you - the rose that belongs to me. But in herself alone she is more important than all of the hundreds of you other roses: because it is she that i have watered; because it is she that i have put under the glass globe; because it is she that i have sheltered behind the screen; because it is for her that i have killed the caterpillars (except the two or three that we saved to become butterflies); because it is she that i listened to, when she grumbled or boasted, or ever sometimes when she said nothing. Because she is my rose."


-The Little Prince

Monday, March 26, 2012

sarprisa?

naranasan mo na ba yung isang gabi uuwi ka sa bahay tas brownout. alam mong brownout kasi nasa labas ang mga kapitbahay at hindi nanonood pba o ng mga teleserye. tapos pagpasok mo ng bahay walang kailaw-ilaw. huhugutin mo sana ang cellphone mo sa bulsa pero maaalala mong mahigit isang oras na itong lowbatt kaya pati oras hindi mo alam. kaya ngayon, kahit maliit na liwanag ng cellphone wala ka. tapos aalalahanin mo sa isip mo kung saan may flashlight o kandila at sa di malaman lamang dahilan madalas nakapatong ang mga ito sa ibabaw ng ref. edi dahan dahan kang papasok ng bahay. wala kang makita. may konting aninag ng mga bagay kaya mas lalakihan mo ang dilat ng mata na para bang may ililinaw pa ang lahat. ano ka may night vision? edi wala nga. mabuti na lang bahay mo ito at kabisado mo kung saan nakapwesto ang mga muebles, appliances, alikabok at kung anu-ano pang shit. yun ang akala mo. lingid sa iyong kaalaman, sa di mawaring biro ng pagkakataon, may nag-usog ng lamesita sa pwesto na nakasanayan mo nang daanan.

boom. surprise!

wala ka nang magagawa kundi umiyak, umaray o kung anung ingay ang gusto mong gawin. basta putangina. masakit. tumama yung alulod mo sa kanto nung lamesita. wala kang kamalay-malay, walang babala o kung anumang premonisyon.

yung sakit na hindi mo naanticipate. at oo, anticipate talaga coz i'm conyo like that.

tulad na lang ng isang masakit na salita na manggagaling sa isang mahalagang tao sa buhay mo. pwedeng si gelpren, si kapatid, nanay, bayaw, o kung sinong matalik na kaibigan. halimbawa ganito: may nagsabi sayo ng pakshit ka. papakshitin ka ng kung sinu-sino sa paligid mo o kahit ni ate shawie pero hindi ka maaapektuhan. walang dating sayo, walang asar, walang bangis na parang itim na langgam. tas pag siya na, boom.

PAKSHIT KA!


may kurot sa puso mo na parang kurot ng aleng manikurista na malutong ang mga kuko sa kamay at paa. mabigat ang dating ng salita. parehas na salita lang pero parang iba. bold, italic, naka-all caps talaga with exclamation point pa. ganun.

tulad na lang din ng isang pagkakaibigang biglang nawakasan nang hindi mo inaasahan - o naanticipate. yung pagkakaibigang pinunlaan ng ilang taong samahan na biglang nauwi na lang sa wala wala lang. friendship over. maaaring isa sa inyo o parehas kayo ay nagbago. o di kaya eh isa lang naman pala talaga sa inyo ang naging isang tunay na kaibigan. basta sa hinaba-haba ng inyong samahan, isang malupit na pangyayari ang susubok at sisira sa inyong pagkakaibigan. isang malupit na pangyayari na hindi mo na naman inasahan - o naanticipate.

ang pagkakaibigan kasi ay parang sapatos. hindi mo malalaman ang tunay na kalidad kung hindi mo itatapak sa semento, sa lubak o sa tae. ay wag na pala sa tae. basta hindi mo malalaman yung quality kung hindi mo susubukang itapak o itakbo-takbo. dahil ang sapatos, tulad ng kaibigan, hindi lang pang-display o pamorma ang mga yan. nandyan lang yan, kasama mo saan ka man mapunta. (at biruin mo nailusot ko yun? haha!)

edi biglang nagkasubukan nga nang tibay at yun nga, surprise!

pumalpak.

yun yung tipo ng sakit na ayaw mong maranasan. yung hindi mo inaasahan. yung hindi mo naanticipate.

Thursday, February 23, 2012

FLIPTOP, MAKE SOME NOISE!

ang mga character sa text ay may maximum limit. shortcut ang mga salita para tipid sa pag-gamit. pero hindi ko kayang limitahan ang pagibig kahit hanggang langit. hindi naman natatapos ang panliligaw kahit "oo" mo'y akin nang nakamit. hindi baleng tawagin akong cheesy, mushy o kung anu pa mang shit. wala akong pakialam dahil si danibab, kung umibig ay malupit. <3

sayo ako'y nahulog, batong puso ay nadurog. nang unang beses kitang mahagkan, parang ayoko nang mag-mumog!

tila ba ayaw nang paawat ng puso kong maligalig. ganyan kasi kaastig ang mga makatang mangingibig. walang kaso ang distansya, kahit nasa kabilang dako ka ng daigdig. subukan nilang saktan ka, buong mundo'y mayayanig.

magtutuloy ang tulang to hanggang sumapit ang pasko. pero kelangan ko nang matulog dahil tao lang ako. sayo na nagbabasa, patawad kung mahaba ang post na ito. hindi ako eksaherado, pagbigyan mo na, umiibig lang ako.

wag mo nang itanong kung kanino. wala namang ibang sagot kundi kay Mariel Mangalino. <3

Friday, November 11, 2011

goodmorning

isang oras at labimpitong minuto. mahigit isang oras ko nang pinagmamasdan ang iyong natutulog na mukha. tangina. nakakagigil ang kakyutan mo na parang 2 years old na sanggol na kaysarap halikan. at oo, mahigit isang oras ko na ring pinipigilan ang sarili kong hagkan ang mga labi mong bahagyang magkahiwalay. marahang tumatakas ang mainit na bad breath sa maliit na siwang. pinipigilan ko ang sarili ko dahil ayaw kitang magising. sinisimsim ko ang mga bawat segundo, bawat minuto, ang bawat sandaling napagmamasdan kita nang hindi pixelated, close up at walang kolorete sa mukha - ang simple at inosenteng ikaw.


kaytagal kong hinintay ang kilig moment na ito. yung moment na madalas gamiting eksena sa mga pelikulang pagibig ang tema. yung eksenang kikilitiin nang wagas ang iyong kalamnan hanggang sa maihi ka. pakakabahin ka pero sa walang kasing sarap na paraan. kaytagal kong hinintay na madama ang mahiwagang torture na ito - ang ragasa ng naguumapaw, bottomless, hardcore na pagibig.

at tumunog ang makuteng alarm ng aking telepono. teach me how to dougie. dagling ang lahat, kasama ang maganda mong mukha, ay naging animo'y usok na unti-unting hinipan at binura ng hangin. 

gumising ako nang nakangiti. hindi ako nainis o naasar kahit parehas lang ang ibig sabihin ng dalawang iyon sa halip, inisip ko na lamang na darating din ang isang umagang ang lahat ng kilig moments na iyon ay hindi na nakalimbag lamang sa isang matamis na panaginip. 

Tuesday, October 25, 2011

para kay em


para kang ulan
doon sa kanta ng bandang eraserheads
kaysarap mong pagmasdan
parang kang yung tsokolateng flat tops
hindi kita kayang pagsawaan
dahil sayo naniwala na ako kay nina
nang sabihin nyang
“love moves in mysterious ways”
dahil sayo tumibok ang puso ko
kasimbilis ng “superbass”





Thursday, October 6, 2011

dear gelpren,

ikaw yung mainit na kape sa isang maginaw at maulang umaga
yung rosas na langit sa tuwing hahalik ang araw sa gabi
yung samyo ng kamisetang ibinabad sa downy
ikaw yung pilantik ng mga tikladong umaawit ng malambing na musika
yung leche flan sa ibabaw ng special na halo-halo
yung palakpak sa dalampasigan ng mga along mapaglaro
ikaw yung maginhawang yakap ng malambot na kama
ikaw yung mainit na pakiramdam ng maliligayang alaala
ikaw yung usong hindi nalalaos
ikaw yung superherong hindi maigapos
ikaw yung pagibig na hindi magagapi

ikaw ang dahilan ng aking pagngiti.



Saturday, October 1, 2011

Fall in Love with an ACTIVIST.


Fall in LOVE with an activist because…

You could have the worst hair day of your life, he wouldn’t care…with his way of life, he’s had worse.
You won’t need to take her to a fancy restaurant, fine dining was never her thing…she would rather eat  with her hands in the company of farmers.
 You could shout at him all you want, he would just smile…he does it everyday..to assert for your rights.
 She doesn’t care if you’re rich or poor. After all, she does understand class struggle.
You can be frank about him, in fact, he would like that very much.
Criticism and self-criticism are second nature to him. He always wants to improve himself.
She isn’t afraid to make the first move. Don’t worry she’s no bimbo. 
It’s just that she believes in the equality of sexes. And she’s knows that women hold half the sky. 
When you have a fight, it’s never all your fault. He knows that partly, he was to blame. Because he is a dialectical materialist.
She’s never boring. As long as social injustice and inequality exists, you won’t run out of things to talk about.
She’s very good at sharing her life with someone. Maybe it has something to do with their practice of collective living.
Being articulate is a skill he has come to master. And he will have no trouble telling you how much he loves you.

P.S. There’s a catch. You should know that you’re not the only person who owns his heart. You share it with the poor, the sick, the hungry, and the opressed.
P.P.S. By the time you fall for an activist, give it a week or so, you’ll be an activist yourself. Because if you love and understand her, you would know it’s the right thing to do. 

- mula sa isang aktibistang guro

Wednesday, August 10, 2011

i miss you.

hindi ito katulad nung mga ordinaryong "i miss you" na madalas mong mababasa sa mga pader ng facebook. palagi itong kadugtong ng mga batian ng mga magkakaibigang hindi nagkausap o nagkita in a certain amount of time. pero syempre depende sa agwat ng panahon at distansyang nagkawalay, nag-iiba ang bigat ng "i miss you".

"uy! baldo! kumusta ka na? i miss you!"
"ayos lang, jennybeth! miss u too!"





hindi ganyan ang "i miss you" na nararamdaman ko. kumbaga sa cd, gasgas na yan at sa dalas ng walang kawawaang paggamit ay nauupod na ang tunay na kahulugan. hindi ganyan yung pangungulilang nararamdaman ko ngayon.

yung sa tagal ng pagkawalay mo, hindi mo na sya maintindihan.
yung sa sobrang tagal, parang hindi mo na sya kilala.
yung isang araw, basta biglang hindi ka na maka-relate.

bale pumasok kasi ako sa indayog noong panahon na kakapalit pa lang ng choreographer. yung mismong umpisa ng pagbabago ng indayog na dating mahiyain at hindi pansinin. hilaw at sabik pa kami sa lahat ng mga bagong ituturo ni kuya reagan.

noon, maliit lang ang pamilya. iisang bilog. kasya ang lahat sa loob ng studio. yung lumalangitngit at amoy-pawis na studio.

hanggang sa lumipas ang mga panahon, natuto, gumaling at unti-unting nakilala ang indayog. dumami nang dumami ang mga bagong members. lumaki ang pamilya. pero ang part na masakit sa akin ngayon, kasya pa rin ba ang lahat sa loob ng studio? sa loob ng iisang bilog?

hindi ko alam. hindi ko sigurado. ang alam ko lang, sobrang laki na ng pinagbago mo. parang hindi na kita kilala. nanliliit na ako sa taas ng naabot mo. sa dami ng mga tawa, iyak, galit, asar at ngiting hindi kita nakasama, siguro pati ako hindi mo na rin kilala.

hindi ito yung ordinaryong "i miss you" na pakalat-kalat sa mga pader ng facebook o mga inbox ng mga cellphones. ito yung matalim, masakit sa lalamunan at mabigat sa dibdib na "i miss you". yung pag biglang tumama yung alulod mo sa kanto ng lamesita. yung pag naghihiwa ka ng sibuyas. hindi ito yung "i miss you" na gasgas at wala nang kahulugan.

dahil indayog,

miss na miss na kita. i so fucking miss you. 


Monday, August 8, 2011

di ko alam. basta ganun.


eh bakit nga ba kasi tayo naiin-love sa isang partikular na tao?


sa kinis ng mukha? sa ayos ng buhok? sa laki ng suso? sa husay sa pag-awit o breakdancing? sa porma? sa ugali? nakaka-apekto ba ang resulta ng bantog na F.L.A.M.E.S.? ang compatibility ng zodiac signs? ang arrangement ng mga bituwin sa kalangitan? eh ang arrangement ng mga furnitures sa bahay (feng shui?). maraming haka-haka. maraming agam-agam. pero wala namang kahit sino, maging si joe d' mango man yan so si xerex xaviera, ang tiyak na makapagsasabi sa atin kung paano at bakit nga ba tayo naiin-love sa isang partikular na tao. siguro maaari itong ipaliwanag ng mga oxytoxin chemicals o hormones na nasa katawan ng tao pero para sa akin kulang ang kapangyarihan ng siyensya para tuwirang ipaliwanag sa aking irog kung bakit ko siya mahal. kung bakit siya. higit pa sa natural na proseso ng human biology ang sistema ng pagibig. at oo, ako na. ako na ang nagpapaka-eksperto sa pagibig.