Wednesday, August 23, 2017

Boring o Busy?

Kung parang tamagotchi lang ang blog na ito ay malamang isang icon na lang ito ng lumulutang na kaluluwa. Patawad mga fans ko na di lalampas sa lima - o ewan ko kung tama ba yung terminolohiyang fans dahil di naman ako sikat sa kung anumang posibilidad. O sya, edi readers! Leche (inaway ang sarili?). Anyway, siguro naman alam nyo na yun, napaliwanag ko na ito sa mga nakalipas na entry. Malakas at rumaragasa ang daloy ng mga blog entries ko kasabay ng agos ng emosyon. Eh syemps, di ibig sabihin na matumal na ang pasok ng mga lathala e naging bato na ang puso ko. Sa huling pagkakaalam ko e di pa naman ako naiiputan ng Ibong Adarna. Gamitin natin ang terminong emotional outlet.  Oo, parang yung kaibigan mong marunong lang lumapit kapag may kailangan. Labasan ng mga emosyong nagkukumawala - ibubuhos sa porma ng mga salita. Sa madaling salita, masagana ang creative juices ng inyong makata kapag may pinagdadaanan dahil isa akong emosyonal na bata. At least naman, isa itong positibong signos na maayos ang takbo ng buhay at umaayon sa aking pabor ang pagkislot ng uniberso.

Pero mabalik tayo sa title ng blog entry na ito: boring o busy?

One of my biggest concern is being boring or too busy that I'd become boring. Mahirap kasi sa panahon ngayon na kailangan mong magpaka-mature at ma-realize na hindi praktikal sa bulsa at kalusugan ang mag-YOLO spontaneous lifestyle. At syempre wag natin kalimutang bigla akong nag-english sa opening sentence ng paragraph na ito na akala mo kung sinong sopistikadong tao. Mahirap din naman yung lahat ng galawan mo ay may sukat at kalkulado ayon sa schedule mo sa trabaho. Hindi naman tayo mga robot na de-susi na nabubuhay lamang upang magtrabaho at magbayad ng bills.

(after a few minutes , o sya hours, of pagmumuni-muni)

Syempre pinag-nilay nilayan ko bigla nang mabuti kung nagiging boring na nga ba ako. Hindi, hindi ako boring sa tatlong puntos. Una sa lahat, hindi batayan ang dami ng blog entry ko sa isang buwan kung gano kainteresante ang buhay ko dahil hindi lahat ng nagaganap ay nailalathala - maraming makahulugan at special na moments ang narapat lang na sinimsim sa mismong pagkakataon at mananatiling buhay at nakatago sa isang special na sulok ng aking alaala. Pangalawa, may trabaho akong itinuturing ko nang isang malaking bahagi ng buhay ko. Hindi lang ito basta bayad na gawain para may pambili ako ng hello panda at pambayad ng internet. Isa akong nurse na kumakasalamuha ng iba't ibang taong may iba't ibang karamdaman sa iba't ibang porma. Oha paulit-ulit? iba't iba? Pangatlo, may isa akong prinsesang walang sawang nagmamahal at nagpipinta ng maraming saya at kulay sa buhay ko.

Hindi man ako yung spontaneous palagi pero may mga pagkakataong magugulat ka na lang.

Marahil masasabi kong abala lang ako sa buhay ko sa realidad at hindi na sa nakalutang sa pangangarap at pangamba. Naninibago lang siguro ako dahil finally my reality is worth living. Shet.



Saturday, May 20, 2017

paglilinaw

Di ko alam kung may sapat pa ba akong alibi o dahilan pero alam kong muntik nang ma-athropy ang mga muscles ng pagsusulat ko. Bumili ako ng laptop na mas malakas ang resistensya sa virus para mas ganahan na ako dagdagan ang mga lathala ko sa blog pero tulad ng paulit-ulit na resiklo ng sigla ng panulat ko, umikot lang ako pabalik sa plateau at muling nilangaw nang ilang buwan ang juicekupo. Hindi naman sa walang ampat na panggatong sa inspirasyon, marahil mas nagiging okupado na ako ng mga responsibilidad ng tunay na buhay. Hindi naman masamang dahilan iyon, diba? Natutunan kong mas mahalaga ang relasyon ko sa pamilya, mga kaibigan, at syempre kay bebelabs ko na hindi umaasa sa tulay ng social media. Iba ang emosyong hatid ng aktuwal na pagmamahal kumpara sa nababasa. Mas malaking bahagi na rin ng panahon ko ang nakatuon sa trabaho. Sabi nga ni Tobey Maguire, with great power come with great responsibility. Oo, ako nga, ako nga si Spiderman. CHOS. Kakambal ng pagiging isang tunay at may malasakit na nurse ang pagbibigay mo ng buong atensyon at oras sa pagbibigay nang maayos na serbisyo. Sa madaling salita, nilalamon ng tunay na buhay ang oras ng gising na sapantaha ko. It's real life, mofuckers. Hindi na ito katulad noong college days na marami akong oras para magsulat at mabuhay sa speryo ng internet kung saan minsan akong slightly sumikat at nakilala bilang probable future Bob Ong.

Ilang beses ko nang nagtangkang magsulat ng nobela. Mag-uumpisa, magiging busy, makakalimot, mababaon sa drafts ang naumpisahang proyekto. Siguro oras na para magpaka-totoo.

Hindi ko na alam kung pangarap ko pa nga ba ang magka-libro.

Maraming dahilan kung bakit hindi ko na ipagpapatuloy ang "pangarap" na ito pero ang pinakamatapat na sagot ay naging pangarap ko ang makasulat ng isang libro mula sa maling dahilan - ang sumikat. Hindi dahil sa pera o para makapaghatid ng mensahe sa madlang mambabasa, kundi para sumikat. Gusto ko dating makilala bilang isang matapang at makulit na manunulat; yung may aral at aliw; yung pag-uusapan all over mainstream and social media. Gusto ko - DATI.

Siguro tumatanda na nga ako at mahiwaga na lang na lumalabas ang wisdom sa kukote ko. Bakit ko nga ba gugustuhing sumikat? Para kanino? Hindi ko kailangan ng tapik sa balikat o kahit anong reassurance mula sa ibang tao. Alam ko sa sarili ko na may talento ako. Sa panahon ngayon, easy access na lang ang "aral at aliw" gamit ang internet; at sa ikli ng attention span ng mga tao sa makabagong henerasyon na ito, iilan na lang may interes na humawak at magbasa ng aktwal na libro.
Ang pangarap ko lang naman sa buhay ay magkaroon ng silbi sa mundo; makapagbigay ng maginhawa at masayang buhay sa mga mahal ko; at makatulong sa kapwa lalo na sa mga batang hindi kakampi ang tadhana pagdating sa pagkakaroon ng maayos na edukasyon.

Hindi ibig sabihin na dahil mawawala na ang posibilidad ng isang published na libro ay mawawala na rin ang passion ko sa pagsusulat. Nope. Patuloy pa rin at mananatili sa aking dugo ang pagiging makata. Masusundan pa rin ng mga bagong lathala dito sa juicekupo. Pangako yan. Itaga mo sa leeg.