Wednesday, August 23, 2017

Boring o Busy?

Kung parang tamagotchi lang ang blog na ito ay malamang isang icon na lang ito ng lumulutang na kaluluwa. Patawad mga fans ko na di lalampas sa lima - o ewan ko kung tama ba yung terminolohiyang fans dahil di naman ako sikat sa kung anumang posibilidad. O sya, edi readers! Leche (inaway ang sarili?). Anyway, siguro naman alam nyo na yun, napaliwanag ko na ito sa mga nakalipas na entry. Malakas at rumaragasa ang daloy ng mga blog entries ko kasabay ng agos ng emosyon. Eh syemps, di ibig sabihin na matumal na ang pasok ng mga lathala e naging bato na ang puso ko. Sa huling pagkakaalam ko e di pa naman ako naiiputan ng Ibong Adarna. Gamitin natin ang terminong emotional outlet.  Oo, parang yung kaibigan mong marunong lang lumapit kapag may kailangan. Labasan ng mga emosyong nagkukumawala - ibubuhos sa porma ng mga salita. Sa madaling salita, masagana ang creative juices ng inyong makata kapag may pinagdadaanan dahil isa akong emosyonal na bata. At least naman, isa itong positibong signos na maayos ang takbo ng buhay at umaayon sa aking pabor ang pagkislot ng uniberso.

Pero mabalik tayo sa title ng blog entry na ito: boring o busy?

One of my biggest concern is being boring or too busy that I'd become boring. Mahirap kasi sa panahon ngayon na kailangan mong magpaka-mature at ma-realize na hindi praktikal sa bulsa at kalusugan ang mag-YOLO spontaneous lifestyle. At syempre wag natin kalimutang bigla akong nag-english sa opening sentence ng paragraph na ito na akala mo kung sinong sopistikadong tao. Mahirap din naman yung lahat ng galawan mo ay may sukat at kalkulado ayon sa schedule mo sa trabaho. Hindi naman tayo mga robot na de-susi na nabubuhay lamang upang magtrabaho at magbayad ng bills.

(after a few minutes , o sya hours, of pagmumuni-muni)

Syempre pinag-nilay nilayan ko bigla nang mabuti kung nagiging boring na nga ba ako. Hindi, hindi ako boring sa tatlong puntos. Una sa lahat, hindi batayan ang dami ng blog entry ko sa isang buwan kung gano kainteresante ang buhay ko dahil hindi lahat ng nagaganap ay nailalathala - maraming makahulugan at special na moments ang narapat lang na sinimsim sa mismong pagkakataon at mananatiling buhay at nakatago sa isang special na sulok ng aking alaala. Pangalawa, may trabaho akong itinuturing ko nang isang malaking bahagi ng buhay ko. Hindi lang ito basta bayad na gawain para may pambili ako ng hello panda at pambayad ng internet. Isa akong nurse na kumakasalamuha ng iba't ibang taong may iba't ibang karamdaman sa iba't ibang porma. Oha paulit-ulit? iba't iba? Pangatlo, may isa akong prinsesang walang sawang nagmamahal at nagpipinta ng maraming saya at kulay sa buhay ko.

Hindi man ako yung spontaneous palagi pero may mga pagkakataong magugulat ka na lang.

Marahil masasabi kong abala lang ako sa buhay ko sa realidad at hindi na sa nakalutang sa pangangarap at pangamba. Naninibago lang siguro ako dahil finally my reality is worth living. Shet.