Umpisahan natin sa career.
Isa pa rin akong nurse, specialized sa pagkutkot at pagtapal ng mga sugat. Wound care nurse ang pinaka-title ko. O diba ang lakas maka-eksperto. Masaya naman ako sa napili kong linya at sa tingin ko naman ay na-earn ko na yung respeto at kredibilidad sa community namin bilang isang magaling na wound nurse. In the works na rin yung proseso ng pag-akyat ko mula sa pagiging LVN paangat sa RN. Medyo mabagal na process pero at least may pagusad na nagaganap.
Pagdating naman sa lovelife e oks na oks at swabeng swabe. Iba talaga kapag nahanap mo na yung taong sigurado kang ka-match mo sa puso, personalidad, at pangarap. Mamamatay lang kayong lahat sa inggit kung ikukwento ko pa lahat ng dahilan para masabing couple goals kami ni bebelabs.
Nung 2017, nakasama na namin si erpats dito sa Amerika. May sakit na sya nang makarating dito. Ibang diagnosis ang binigay sa kanya sa Pinas pero pagdating dito, na-ospital sya at nakita ng mga legit na neurologist ng UC Davis. Nalaman namin na may ALS sya. Yung sakit na sumikat dahil sa ice bucket challenge. Yun din yung sakit na kinamatay ng sikat na physicist na si Stephen Hawking. August 26, 2018, birthday pa ng best friend ko na si Issa. Sumakabilang buhay ang aking ama.
Late 2018 at buong 2019, abalang abala kami ni bebelabs sa online schooling para sa pre-requisites namin para sa RN school. Yumaman ang Starbucks at Panera Bread sa aming dalawa kapalit ang libreng wifi at study table. Ngayon, kumpeto na kami sa mga pre-requisites at requirements - pera na lang ang kulang. Kaya parehas kaming may dalawang trabaho, walang day-off sa buong taon para makapagipon ng pang-matrikula. Magkatuwang kami sa pagaaral at pagabot ng mga pangarap. Naks! Ano ba sabi ko? Couple goals diba?
Ngayon naman, 2020 na. Panibagong dekada ang nagsimula. Maraming tao ang hopeful sa mga panibagong simula pero imbes na magagandang balita e sunod-sunod ang pagdating ng mga sakuna.
May mga sunog, lindol, gyera, pagsabog ng bulkan, at pinaka malala sa lahat ay isang pangdaigdigang salot na sakit. Maraming nagiisip na baka naguumpisa na ang katapusan ng mundo dahil dito sa mga signos na nagsusulputan. Personally, ayokong maniwala na malapit na ang katapusan ng mundo. May paniniwala pa naman ako sa resilience ng tao. Marami tayong resources. Mas marami lang talagang mga ungas na nagpapalala ng lahat kaya minsan kahit dini-discourage na humawak sa mukha e mapapa-facepalm ka talaga sa dismaya. Sa awa ng Diyos at lahat ng mga bathaluman, mabuti naman ang kalagayan ko at di pa nahahawaan ng COVID-19. Recommended na mag-stay home kung wala namang essential na gagawin sa labas ng bahay. Wala naman akong problema dun at wala namang significant na nagbago sa routine ng buhay ko.
Magulo ang mundo ngayon pero di ibig sabihin na hindi na makulay ang buhay. Ayokong mag-overthink sa mga negatibong bagay. Ang mahalaga e patuloy lang sa rutinaryo ng buhay at sasamahan na lang ng ampat na pagiingat. Wala namang mangyayari kung makikipagsabayan ako sa ingay ng internet at magpapakapraning.
Siguro naman sapat na updates na yan. O sya sa susunod na dalawang taon na lang ulit. Charot. Tutal e wala namang galaang magaganap sa mga susunod na weeks o buwan, baka sipagin ulit akong mag-blog. May mga drafts pa naman akong di ko pa natatapos. Abang abang lang kayo mga fans.
Hanggang sa muli, paalam bichez.