Friday, November 11, 2011

goodmorning

isang oras at labimpitong minuto. mahigit isang oras ko nang pinagmamasdan ang iyong natutulog na mukha. tangina. nakakagigil ang kakyutan mo na parang 2 years old na sanggol na kaysarap halikan. at oo, mahigit isang oras ko na ring pinipigilan ang sarili kong hagkan ang mga labi mong bahagyang magkahiwalay. marahang tumatakas ang mainit na bad breath sa maliit na siwang. pinipigilan ko ang sarili ko dahil ayaw kitang magising. sinisimsim ko ang mga bawat segundo, bawat minuto, ang bawat sandaling napagmamasdan kita nang hindi pixelated, close up at walang kolorete sa mukha - ang simple at inosenteng ikaw.


kaytagal kong hinintay ang kilig moment na ito. yung moment na madalas gamiting eksena sa mga pelikulang pagibig ang tema. yung eksenang kikilitiin nang wagas ang iyong kalamnan hanggang sa maihi ka. pakakabahin ka pero sa walang kasing sarap na paraan. kaytagal kong hinintay na madama ang mahiwagang torture na ito - ang ragasa ng naguumapaw, bottomless, hardcore na pagibig.

at tumunog ang makuteng alarm ng aking telepono. teach me how to dougie. dagling ang lahat, kasama ang maganda mong mukha, ay naging animo'y usok na unti-unting hinipan at binura ng hangin. 

gumising ako nang nakangiti. hindi ako nainis o naasar kahit parehas lang ang ibig sabihin ng dalawang iyon sa halip, inisip ko na lamang na darating din ang isang umagang ang lahat ng kilig moments na iyon ay hindi na nakalimbag lamang sa isang matamis na panaginip. 

No comments:

Post a Comment