Challenging.
Kung susumahin ko sa isang salita ang buong taon ng 2012, ito ang sa tingin ko'y maglalarawan sa itinakbo ng buhay ko sa loob ng mga nakaraang buwan - challenging.
LOVELIFE
Pumasok ang taon na ito na may magandang simula. Nasa Pilipinas ako noong January at mahigit isang buwan ko rin nakasama si Mariel. Sa loob ng maikling panahon na iyon, maipagmamalaki ko namang naparamdam ko nang wagas sa kanya kung paano ang tunay na pagaalaga sa isang minamahal. Naipagluto ko sya ng maaalat na putahe, naipagtimpla ng mala-istarbak na kape habang gumagawa ng paperworks sa trabaho, minasahe ko ang paa nya matapos ang maghapong paglalakad sa mausok at maalikabok na kalsada ng Maynila at kung anu-ano pang shit. Pinagsilbihan ko sya na parang reyna at hanggang ngayon, namimiss kong gawin ang lahat ng iyon - pagkat ako'y alipin ng matamis nyang pagibig. naks!
At syempre, tulad ng lovelife ni Kris Aquino, bawat bakasyon ay mayroong wakas. Bumalik ako rito sa Amerika noong Pebrero bitbit ang mabigat kong mga bagahe at damdamin. Para akong batang hindi hinataw ng sinturon sa hita kung makahagulgol. Mula NAIA hanggang San Francisco Airport ay naiyak ang lolo nyo. Kung sasabayan mo nga ng awit ni Christian Bautista, pwede na ngang gawing music video ang drama ko. Balik Amerika, balik sa dating gawi - long distance love affair. May mga moments na nakakabaliw dahil sobrang miss ko na siya o minsan ay inaatake sya ng mga rumaragasang hormones every month. Natural lang naman na minsan ay may tampuhan pero sa tulong ng internet, telepono, ng aming wagas na pagmamahalan at gabay ni Papa Lord, kami pa rin hanggang ngayon. Yikeee! Kilegz!
KARIR
April, umalis ako sa part time job ko na pagaalaga ng isang matandang lalaki at nakapasok ako sa isa pang nursing facility - bale dalawang full time job. Simula noon, pansamantalang kinalimutan ko ang salitang day off. Literal na walang day off dahil kapag wala akong sa isang trabaho, may pasok pa rin ako sa isa. Ganun ako kasipag. Patay kung patay.
Di ko alintana ang pagod at kawalan ng ampat na pahinga dahil lahat ng yan ay nawawala kapag may pasahod na. Mas marami akong pera. Mas marami akong naitutulong sa bahay at sa iba. Bale maguumpisa ang paghahanapbuhay ko ng 2:30 ng hapon hanggang 10:30 ng gabi sa isang trabaho. Paglabas ko run, dadaan lang ako ng store para bumili ng makakain tapos derecho na ako sa susunod na trabaho na maguumpisa ng 11:00 ng gabi hanggang 7:00 ng umaga. Sa loob ng mahabang oras na yun, kaharap ko ay iba't ibang klase ng matatanda mula sa mga simpleng makakalimutin hanggang sa mga matatandang bilang na lamang ang mga oras nilang nalalabi.
Masarap ang pakiramdam ng may napapangiti kang mga pasyente lalo na't alam mong may nararamdaman silang sakit sa katawan at sa puso. Marami sa kanila ang may iba't ibang klase ng malulungkot ng kwento at dahil nabiyayaan ako ng di matatawarang kadaldalan, mapalad naman akong makilala sila nang husto at marinig ang kani-kanilang mga kwento. Mga kwentong akala ko sa pelikula lang nagaganap. Mga kwentong nagbigay pa ng inspirasyon at aral na hindi sa kung saan lamang basta maaapuhap.
So matapos ang segue na iyon, makakauwi na rin ako sa wakas ng around 7:30 ng umaga at paglapat ng katawan ko sa kama, sya naming hawak ko sa telepono dahil oras naman para tawagan si love of my life. Tulad ng Misa de Gallo na walang bibingka't puto bungbong, hindi kumpleto ang mahabang araw ko kung di ko maririnig ang boses ni Mariel. Kahit anung pagod o antok ko, kailangan makausap ko muna sya bago ako matulog. Nais kong kamustahin ang itinakbo ng araw nya, kung ayos lang ba ang lahat, o kahit maikling kwentuhang walang kabuluhan lang - wag lamang lumipas ang isang buong araw na hindi kami nagkakausap. Wag lang maputol ang bonding, ang communication, ang connection. Para sa akin, hindi baling walang mapagusapang napaka-interesante o napakahalaga, basta marinig ko lang ang boses nya, basta marinig ko lang na ngumingiti sya - ayos na ako run.
OPPORTUNITY
August, dalawa sa mga mabubuti kong kaibigan noong highschool at kolehiyo ang humikayat sa akin na pumasok sa isang negosyo. Sa una nagdalawang isip talaga ako. Sino bang susugod na lang basta sa isang negosyo nang hindi nagiisip? Una sa lahat, sa sobrang abala ko saan ko pa isisingit ang pagnenegosyo sa schedule na mayroon ako di ba. Finally, naconvince rin nila ako at yun na nga, sumali ako na may halo pang takot at excitement sa panibagong adventure na ito. Bakit? Ituloy ang pagbabasa.
Ako yung taong nangangarap ng mataas para sa pamilya ko - lalo na para kay mommy. Gusto ko na syang pagpahingahin sa pagtatrabaho at gusto ko yun mangyari sa nang hindi pa sya matandang uugod-ugod. Gusto kong maranasan nyang mamuhay nang parang reyna bago pa man sya tumanda. Damay rin syempre sa pangarap ko si Mariel, ang mga kamag-anak ko sa Cavite at mga kaibigang gusto ko rin matulungan. Hindi ko matutupad yan lahat kung mananatili lang akong paaalipin sa dalawang trabaho ko. Bagama't hindi naman masama ang pasahod, hindi pa rin sapat ito para itulak ako paangat - papalapit sa mga pangarap ko. Kaya naisip kong pasukin ang pagnenegosyo dahil sa isang taong may kagustuhang umangat at magtagumpay sa buhay, hindi sapat ang marunong ka lamang mangarap - kailangan mong umaksyon.
CHALLENGE
Pinilit kong kayanin sa panandaliang panahon na bigyang oras ang lahat kahit halos hindi na ako nakakapagpahinga pero dahil hindi naman ako robot na de baterya, napagod din ako. Umabot ako sa puntong nakakatulog na lang kahit may nagwawalanghiyang ingay sa paligid. Di na ako kayang gisingin ng alarm clock at hindi na kayang pasiglahin ng redbull. Ang mahirap sa ganitong estado, madali kang mainis. Yung mga bagay na dating pinalalampas ko lang ay dumadagdag panggatong na sa init ng ulo ko. Mas lumakas na yung loob kong umangal at lumaban sa mga ulul kong katrabaho sa panggabi. Yung mga dating tinatawanan ko lang, hindi ko na kayang tiisin. Kaya't ano pa nga bang nararapat gawin kung hindi ka na masaya sa isang bagay?
Oo, galing mo naman.
Umalis ako sa trabaho kong iyon nung katapusan ng November at nanatili na lang sa isang full time job at sa inuumpisahan kong negosyo. Hindi na ganun kaganda ang pasok ng pera sa akin pero at least hindi na ako gaanong stressed (physically and mentally) di ba. Mas marami na akong oras para sa pamilya, kay Mariel, sa negosyo at sa pagsusulat (sa wakas!).
May ilang buwan na rin akong nagbibigay effort sa pagpapalawig ng pinasok kong negosyo pero sa awa ng bathalumang makapangyarihan ay wala pa rin akong resultang naaapuhap. Medyo malaking pera na rin ang nailabas ko pero wala pa ring bumabalik. Nakakaramdam na rin ako minsan ng kaba lalo na kapag dumarating ang mga sobreng naglalaman ng paalalang kailangan ko nang bayaran si ganito, may balance ka pa kay ganyan.
Alam kong hindi madali kaya't hindi ako sumusuko. Imbes na magmukmok o mamroblema sa lubak na kinasasadlakan ko ngayon, pinalalakas ko na lang ang loob ko dahil wala naming ibang direksyon na dapat daanan papunta sa mga pangarap ko kundi pasulong. Boring ang buhay na walang pagsubok na dadaanan at kung wala kang pinagdadaanan - wala kang patutunguhan.
Kung susuko ako, para ko na ring sinukuan ang sarili ko at tatanggaping isa akong talunan. Di ko na kayang talikuran ang mga pangarap ko para sa mga mahal ko.
Ayoko nang bumalik sa dati, gusto ko na ang bagong ako.
PASASALAMAT
Hindi magiging masaya at makabuluhan ang challenging na 2012 na ito kung wala ang suporta ng mga kapatid ko at ng hipster kong mommy.
Salamat kay Mariel na nagbibigay inspirasyon at kilig sa buhay ko. Kung bakit nakukuha ko pa ring ngumiti sa mga araw na sobrang busy at nakakabwisit - sya ang may dahilan. Nagkaroon ako ng mas malinaw na plano sa buhay ko dahil sa kanya. At mali ang iniisip nyo, di pa kami ikakasal. hihihihi!
Salamat sa mga bago kong kaibigay sa naging bago kong trabaho na naging mabait at matulungin sa akin noong kauumpisa ko pa lang hanggang sa ngayon.
Salamat kay Rhea at kay Lai na nagpakilala sa akin ng bagong oportunidad na masasabi kong binago na rin ang buhay at prinsipyo ko.
At sa walang sawang gabay at pasensya at pagmamahal na ibinibigay mo sa akin, maraming salamat po, Papa Lord.