Wednesday, August 21, 2013

PAALAM

Naaalala ko tuwing makikisabay ako sayo papasok sa school o pauwi sa amin sa Valenzuela, halos buong biyahe akong dumadaldal sayo. Pinipilit kong makipag-palitan sayo ng opinyon tungkol politika at sa pagkakaroon ng praktikal na pamumuhay at mag-update sa mga kabulastugan ko sa school sa loob ng maiikling pagkakataong iyon. Gusto ko lang naman non, iparamdam sayo na hindi nasasayang yung mga itinutulong mo para makapag-aral ako. Naaalala ko pa rin yung pakiramdam kapag nai-impress kita sa mga bagong tuklas kong kaalaman at sa mga pagkakataong napapatawa kita sa mga kalokohan ko. Hindi ka naman kasi talaga expressive kaya achievement na sa akin ang mapangiti ka. Naaalala ko rin yung unang beses na inihatid mo kami sa airport. Sa yakap mo unang bumuhos yung mga luha ko. Iyak iyon na puno ng lungkot at pasasalamat.

At sa huling pagkakataong nayakap kita, sana naramdaman mo yung lungkot na lalayo na naman ako sa inyo at yung pasasalamat ko sa lahat ng pagmamahal na ibinibigay mo.

Sa totoo lang, hindi ko pa rin matanggap na sa susunod na pag-uwi ko ng Pilipinas ay wala nang Tito Ruel na naghihintay sa akin at tahimik na nagagalak sa aking pagbabalik.

Maraming salamat sa lahat, Tito Ruel. Mahal na mahal kita.

Hanggang sa muli.

No comments:

Post a Comment