nais kong mahiga sa tabi mo at pagmasdan kang mapayapang nahihimbing. handa akong manatiling mulat habang malayang naglalakbay ang iyong sapantaha sa alapaap ng masasaya nating pangarap at mga alaala. mataimtim at malugod na babantayan ang iyong mayuming pagtulog, kawangis ng rosas na kalangitang pinintahan ng araw na papalubog; ang maliit na siwang ng iyong magandang bibig. bibilangin ang bawat butil ng pekas sa iyong mukha habang ibinubulong sa iyo ang pangakong walang bilang ang tutumbas sa aking pagibig. marahan kang hahagkan sa noo kasabay ng pag-usal sa hangin ng aking panalanging di na sana magwakas ang ating gabi. at kung magwakas man, ang nais kong unang matikman sa pagsibol ng panibagong umaga ay ang matamis mong mga labi. ikaw ang hamog na didilig sa kaparangan at ako ang mga dahong nabubuhay sa iyong kagandahan. ikaw ang masiglang pagsikat ng araw at ako ang mga ibong magigising sa ngiti mong nakakasilaw.
ikaw ang una, huli, at gitna. ako ang wakas, ang gita, at ang simula.
sa piling mo, mahal ko, walang araw at walang gabi.
ikaw. ako. tayo.
walang saysay ang magbilang ng oras, kapag ikaw ay katabi.
No comments:
Post a Comment