Sunday, December 30, 2012

malinis ba ang iyong bayag?

ilang mga daliri na naman kaya ang magiging piniritong longganisa ngayong bagong taon? yung wakwak, nagmamantika at mapulang longganisa. ilang maliliit na tindahan kaya ang masusunog? ilang mga bahay ang matutupok? sa pagpitada ng bagong taon, kasabay ng maingay na tugtugan, putukan at walang kamatayang bidyoke sa kalye ay mayroon siguradong mga umiiyak.

pero sigurado rin ako dito:

masayang masaya na naman ang mga malalaking negosyante ng mga paputok. hindi yung mga nakikita mong nagbebenta sa mga maliliit na tindahan kundi yung mga nagsu-supply. yung mga hindi nasusunugan ng puwesto. yung mga hindi nahuhulihan ng illegal. yung mga nagpapatakbo sa makinarya ng konsumerismo ng bansa.

tama, ang mga malalaking negosyanteng intsik na di kayang kantiin ng mapurol na pangil ng ating saligang batas. at bago pa umangal ang iba, oo. karamihan sa kanila ay mga intsik (o may lahi). tanungin mo pa sila henry sy, lucio tan at pati ang president mo. silang mga may-ari at nagpagawa ng mga kalsada, gusali, negosyo at kung anu-ano pang shit. silang mga pinagkakautangan ng loob ng mga paaralan, simbahan at pulitiko na every year ay may libre pa-tikoy pa. silang may kontrol sa igagalaw ng puppet nating bansa (na itinuturing nating "malaya") at sa media sa kung ano lamang ang gusto nilang ibigay na impormasyon sa masang pilipinong panatiko ng mga reality shows at teledrama. oo, hindi man sila nagsisinungaling sa atin, pero hindi rin naman nila sinasabi ang lahat ng katotohanan. hindi tayo bulag sa katotohanan, tayo ay binubulag sa katotohanan. ipinapakita lang nila sa tv ang mga maliliit na mga kriminal na nagnanakaw, pumapatay at nanloloko ng kapwa dahil sa kalam ng sikmura. pero hindi nila pinapakita ang mga sarili nilang mismong nagnanakaw at pumapatay sa ating bansa. gusto nilang mapaluha tayo sa mga nagdarahop na mga maysakit at nasalanta na inaabutan nila ng relief goods at sa mga batang nabibigyan nila ng libreng tsinelas kahit na ang dapat na ibinibigay nila sa mga ito ay libre at dekalidad na edukasyon.

kaya ngayon, harap-harapan man tayong nakawan, wala tayong magagawa dahil hawak nila tayo sa bayag. paalam, spratly islands.

at ngayong papasok na naman ang panibagong taon, sapat na sana para magtimpi ka pa sa mga kabullshitang nagaganap sa paligid mo. sa halip na tumunganga sa mga fireworks display, tumalon-talon at gawing longganisa ang mga daliri mo, bakit di ka maupo sa harap ng computer at iadd ako sa facebook? joke. ikaw ang bahala kung pano mo sasalubungin ang bagong taon - nakapolka dots man o stripes o hubo't hubad. araw ng kamatayan ngayon ng pambansang bayani at malamang dismayado sya sa naging resulta ng pagpapabaril nya sa likod. wala naman syang paki sa isang lumang rebulto o kung nailagay man ang ulo nya sa piso dahil namatay sya para sa tunay na kalayaan - hindi para sa mga recognition at mga karangalan shit na yan. okay, balik sa topic. ikaw nga kasi ang bahala kung pano mo sasalubungin ang panibagong taong parating. at oo, ako na paulit-ulit dahil gusto kong lang mailahad nang husto ang aking punto. ikaw ang bahala kung paano mo titingnan ang lipunang ginagalawan mo - matuto kang magisip o manatili kang bulag sa katotohanan. pero ang tanong ko sayo:

hanggang kailan ka magpapahawak sa bayag? malinis ba yan? nakakahiya naman sa kanila.

Tuesday, December 18, 2012

ehrmergherd, emhew.

ang mahirap sa trabaho ko, kailangan palagi kang nakangiti sa mga pasyente. sapat na ang emosyonal at pisikal na sakit na nadarama nila para dagdagan ko pa.

kalimutan muna ang pagod.
kalimutan muna ang problema.

magkubli muna sa mga ngiti hanggang sa matapos ang araw. paguwi mo saka ka na magmukmok sa sarili mong mundo -sa sarili mong kama. kapiling ng telepono at laptop, pilitin mong tawirin ang mga karagatan para sya ay makausap. balewala ang ginaw. balewala ang antok. dahil iba ang ligayang kumikislot sa iyong dibdib na sa kanya mo lamang maaapuhap.

Thursday, December 13, 2012

2012: of love and challenges

Challenging.

Kung susumahin ko sa isang salita ang buong taon ng 2012, ito ang sa tingin ko'y maglalarawan sa itinakbo ng buhay ko sa loob ng mga nakaraang buwan - challenging.

LOVELIFE

Pumasok ang taon na ito na may magandang simula. Nasa Pilipinas ako noong January at mahigit isang buwan ko rin nakasama si Mariel. Sa loob ng maikling panahon na iyon, maipagmamalaki ko namang naparamdam ko nang wagas sa kanya kung paano ang tunay na pagaalaga sa isang minamahal. Naipagluto ko sya ng maaalat na putahe, naipagtimpla ng mala-istarbak na kape habang gumagawa ng paperworks sa trabaho, minasahe ko ang paa nya matapos ang maghapong paglalakad sa mausok at maalikabok na kalsada ng Maynila at kung anu-ano pang shit. Pinagsilbihan ko sya na parang reyna at hanggang ngayon, namimiss kong gawin ang lahat ng iyon - pagkat ako'y alipin ng matamis nyang pagibig. naks!

At syempre, tulad ng lovelife ni Kris Aquino, bawat bakasyon ay mayroong wakas. Bumalik ako rito sa Amerika noong Pebrero bitbit ang mabigat kong mga bagahe at damdamin. Para akong batang hindi hinataw ng sinturon sa hita kung makahagulgol. Mula NAIA hanggang San Francisco Airport ay naiyak ang lolo nyo. Kung sasabayan mo nga ng awit ni Christian Bautista, pwede na ngang gawing music video ang drama ko. Balik Amerika, balik sa dating gawi - long distance love affair. May mga moments na nakakabaliw dahil sobrang miss ko na siya o minsan ay inaatake sya ng mga rumaragasang hormones every month. Natural lang naman na minsan ay may tampuhan pero sa tulong ng internet, telepono, ng aming wagas na pagmamahalan at gabay ni Papa Lord, kami pa rin hanggang ngayon. Yikeee! Kilegz!

KARIR

April, umalis ako sa part time job ko na pagaalaga ng isang matandang lalaki at nakapasok ako sa isa pang nursing facility - bale dalawang full time job. Simula noon, pansamantalang kinalimutan ko ang salitang day off. Literal na walang day off dahil kapag wala akong sa isang trabaho, may pasok pa rin ako sa isa. Ganun ako kasipag. Patay kung patay.

Di ko alintana ang pagod at kawalan ng ampat na pahinga dahil lahat ng yan ay nawawala kapag may pasahod na. Mas marami akong pera. Mas marami akong naitutulong sa bahay at sa iba. Bale maguumpisa ang paghahanapbuhay ko ng 2:30 ng hapon hanggang 10:30 ng gabi sa isang trabaho. Paglabas ko run, dadaan lang ako ng store para bumili ng makakain tapos derecho na ako sa susunod na trabaho na maguumpisa ng 11:00 ng gabi hanggang 7:00 ng umaga. Sa loob ng mahabang oras na yun, kaharap ko ay iba't ibang klase ng matatanda mula sa mga simpleng makakalimutin hanggang sa mga matatandang bilang na lamang ang mga oras nilang nalalabi.

Masarap ang pakiramdam ng may napapangiti kang mga pasyente lalo na't alam mong may nararamdaman silang sakit sa katawan at sa puso. Marami sa kanila ang may iba't ibang klase ng malulungkot ng kwento at dahil nabiyayaan ako ng di matatawarang kadaldalan, mapalad naman akong makilala sila nang husto at marinig ang kani-kanilang mga kwento. Mga kwentong akala ko sa pelikula lang nagaganap. Mga kwentong nagbigay pa ng inspirasyon at aral na hindi sa kung saan lamang basta maaapuhap.

So matapos ang segue na iyon, makakauwi na rin ako sa wakas ng around 7:30 ng umaga at paglapat ng katawan ko sa kama, sya naming hawak ko sa telepono dahil oras naman para tawagan si love of my life. Tulad ng Misa de Gallo na walang bibingka't puto bungbong, hindi kumpleto ang mahabang araw ko kung di ko maririnig ang boses ni Mariel. Kahit anung pagod o antok ko, kailangan makausap ko muna sya bago ako matulog. Nais kong kamustahin ang itinakbo ng araw nya, kung ayos lang ba ang lahat, o kahit maikling kwentuhang walang kabuluhan lang - wag lamang lumipas ang isang buong araw na hindi kami nagkakausap. Wag lang maputol ang bonding, ang communication, ang connection. Para sa akin, hindi baling walang mapagusapang napaka-interesante o napakahalaga, basta marinig ko lang ang boses nya, basta marinig ko lang na ngumingiti sya - ayos na ako run.

OPPORTUNITY

August, dalawa sa mga mabubuti kong kaibigan noong highschool at kolehiyo ang humikayat sa akin na pumasok sa isang negosyo. Sa una nagdalawang isip talaga ako. Sino bang susugod na lang basta sa isang negosyo nang hindi nagiisip? Una sa lahat, sa sobrang abala ko saan ko pa isisingit ang pagnenegosyo sa schedule na mayroon ako di ba. Finally, naconvince rin nila ako at yun na nga, sumali ako na may halo pang takot at excitement sa panibagong adventure na ito. Bakit? Ituloy ang pagbabasa.

Ako yung taong nangangarap ng mataas para sa pamilya ko - lalo na para kay mommy. Gusto ko na syang pagpahingahin sa pagtatrabaho at gusto ko yun mangyari sa nang hindi pa sya matandang uugod-ugod. Gusto kong maranasan nyang mamuhay nang parang reyna bago pa man sya tumanda. Damay rin syempre sa pangarap ko si Mariel, ang mga kamag-anak ko sa Cavite at mga kaibigang gusto ko rin matulungan. Hindi ko matutupad yan lahat kung mananatili lang akong paaalipin sa dalawang trabaho ko. Bagama't hindi naman masama ang pasahod, hindi pa rin sapat ito para itulak ako paangat - papalapit sa mga pangarap ko. Kaya naisip kong pasukin ang pagnenegosyo dahil sa isang taong may kagustuhang umangat at magtagumpay sa buhay, hindi sapat ang marunong ka lamang mangarap - kailangan mong umaksyon.

CHALLENGE

Pinilit kong kayanin sa panandaliang panahon na bigyang oras ang lahat kahit halos hindi na ako nakakapagpahinga pero dahil hindi naman ako robot na de baterya, napagod din ako. Umabot ako sa puntong nakakatulog na lang kahit may nagwawalanghiyang ingay sa paligid. Di na ako kayang gisingin ng alarm clock at hindi na kayang pasiglahin ng redbull. Ang mahirap sa ganitong estado, madali kang mainis. Yung mga bagay na dating pinalalampas ko lang ay dumadagdag panggatong na sa init ng ulo ko. Mas lumakas na yung loob kong umangal at lumaban sa mga ulul kong katrabaho sa panggabi. Yung mga dating tinatawanan ko lang, hindi ko na kayang tiisin. Kaya't ano pa nga bang nararapat gawin kung hindi ka na masaya sa isang bagay?

Oo, galing mo naman.

Umalis ako sa trabaho kong iyon nung katapusan ng November at nanatili na lang sa isang full time job at sa inuumpisahan kong negosyo. Hindi na ganun kaganda ang pasok ng pera sa akin pero at least hindi na ako gaanong stressed (physically and mentally) di ba. Mas marami na akong oras para sa pamilya, kay Mariel, sa negosyo at sa pagsusulat (sa wakas!).

May ilang buwan na rin akong nagbibigay effort sa pagpapalawig ng pinasok kong negosyo pero sa awa ng bathalumang makapangyarihan ay wala pa rin akong resultang naaapuhap. Medyo malaking pera na rin ang nailabas ko pero wala pa ring bumabalik. Nakakaramdam na rin ako minsan ng kaba lalo na kapag dumarating ang mga sobreng naglalaman ng paalalang kailangan ko nang bayaran si ganito, may balance ka pa kay ganyan.

Alam kong hindi madali kaya't hindi ako sumusuko. Imbes na magmukmok o mamroblema sa lubak na kinasasadlakan ko ngayon, pinalalakas ko na lang ang loob ko dahil wala naming ibang direksyon na dapat daanan papunta sa mga pangarap ko kundi pasulong. Boring ang buhay na walang pagsubok na dadaanan at kung wala kang pinagdadaanan - wala kang patutunguhan.

Kung susuko ako, para ko na ring sinukuan ang sarili ko at tatanggaping isa akong talunan. Di ko na kayang talikuran ang mga pangarap ko para sa mga mahal ko.

Ayoko nang bumalik sa dati, gusto ko na ang bagong ako.

PASASALAMAT

Hindi magiging masaya at makabuluhan ang challenging na 2012 na ito kung wala ang suporta ng mga kapatid ko at ng hipster kong mommy.

Salamat kay Mariel na nagbibigay inspirasyon at kilig sa buhay ko. Kung bakit nakukuha ko pa ring ngumiti sa mga araw na sobrang busy at nakakabwisit - sya ang may dahilan. Nagkaroon ako ng mas malinaw na plano sa buhay ko dahil sa kanya. At mali ang iniisip nyo, di pa kami ikakasal. hihihihi!

Salamat sa mga bago kong kaibigay sa naging bago kong trabaho na naging mabait at matulungin sa akin noong kauumpisa ko pa lang hanggang sa ngayon.

Salamat kay Rhea at kay Lai na nagpakilala sa akin ng bagong oportunidad na masasabi kong binago na rin ang buhay at prinsipyo ko.

At sa walang sawang gabay at pasensya at pagmamahal na ibinibigay mo sa akin, maraming salamat po, Papa Lord.

Friday, November 2, 2012

"IF YOUR FEET ARE ALWAYS ON THE GROUND, NOBODY CAN EVER BRING YOU DOWN."

but then, if bichez would still be hatin and keep on pulling me down, i got strong legs to kick them in their motherfuckin faces.


alam mo yung pakiramdam ng ragasa ng dugo sa buo mong katawan na kinikilabutan na parang ang gaang ng pakiramdam mo na parang ansigla mo na di mawari na halos maluha ka na sa sobrang sarap ng nararamdaman mo at kasabay ng lahat ng yon ay ang mabilis na pagtibok ng puso mo.

ganun marahil ang nararanasan ng isang superhero sa moment na nagta-transform sya mula sa ordinaryong tao papalit sa anyo ng isang makapangyarihang bayani.

parang si darna pagkalunok ng bato;
parang si popeye pagkakain ng spinach;
parang si sailormoon pagkalagay ng kolorete sa mukha at kung anu-ano pang kalandiang kemerut sa katawan.

parang ako sa pagdating mo sa buhay ko.

naks! <3

Thursday, November 1, 2012

OH MAY GAHD!


oo. tama. tumpak. trulalue. corrected by.

ako nga ay nagtatangka na namang muling magbalik sa blogosperyo. masasayang lang kasi ang mga kathang hindi ko nailalathala - yung mga padeep at pakwelang facebook status na kalaunan ay mababaon rin sa kaibuturan ng timeline. masasayang lang at mawawalan ng saysay. at oo, alam kong parehas lang yun. ako na paulit-ulit. anu yun? can you repeat that once more again twice the double redundance?

ang huling lathala ko dito sa juicekupo! ay may higit kalahating taon na ang nakalilipas. bakit? hindi ko rin alam. akshuli oo, alam ko pala. pinagsama-samang kawalan ng oras, kawalan ng gana at kawalan ng sipag. masyado lang akong naging abala sa buhay ko na sa sobrang abala, nakalimutan ko nang bigyan ng panahon ang isang gawaing gustong gusto mahal ko - ang pagsusulat.

nitong mga nakaraang linggo, ginugol ko ang freetime ko sa pag-aaral. hindi sa skwela pero sa sariling pamamaraan. inalam ko lang sa sarili ko kung ano na ba talaga ang nais kong gawin sa buhay. kung anong nais kong marating. kung pano ko ito mararating. at ang pinakamahalaga, kung bakit ko ito gustong marating.

isa sa mga nais kong gawin ay ang magsulat. kaya't heto ako ngayon, muling nagbabalik.

at muling maghahasik ng lagim.

Tuesday, April 24, 2012

"You are beautiful, but you are empty. One could not die for you. To be sure, an ordinary passerby would think that my rose looked just like you - the rose that belongs to me. But in herself alone she is more important than all of the hundreds of you other roses: because it is she that i have watered; because it is she that i have put under the glass globe; because it is she that i have sheltered behind the screen; because it is for her that i have killed the caterpillars (except the two or three that we saved to become butterflies); because it is she that i listened to, when she grumbled or boasted, or ever sometimes when she said nothing. Because she is my rose."


-The Little Prince

Monday, March 26, 2012

sarprisa?

naranasan mo na ba yung isang gabi uuwi ka sa bahay tas brownout. alam mong brownout kasi nasa labas ang mga kapitbahay at hindi nanonood pba o ng mga teleserye. tapos pagpasok mo ng bahay walang kailaw-ilaw. huhugutin mo sana ang cellphone mo sa bulsa pero maaalala mong mahigit isang oras na itong lowbatt kaya pati oras hindi mo alam. kaya ngayon, kahit maliit na liwanag ng cellphone wala ka. tapos aalalahanin mo sa isip mo kung saan may flashlight o kandila at sa di malaman lamang dahilan madalas nakapatong ang mga ito sa ibabaw ng ref. edi dahan dahan kang papasok ng bahay. wala kang makita. may konting aninag ng mga bagay kaya mas lalakihan mo ang dilat ng mata na para bang may ililinaw pa ang lahat. ano ka may night vision? edi wala nga. mabuti na lang bahay mo ito at kabisado mo kung saan nakapwesto ang mga muebles, appliances, alikabok at kung anu-ano pang shit. yun ang akala mo. lingid sa iyong kaalaman, sa di mawaring biro ng pagkakataon, may nag-usog ng lamesita sa pwesto na nakasanayan mo nang daanan.

boom. surprise!

wala ka nang magagawa kundi umiyak, umaray o kung anung ingay ang gusto mong gawin. basta putangina. masakit. tumama yung alulod mo sa kanto nung lamesita. wala kang kamalay-malay, walang babala o kung anumang premonisyon.

yung sakit na hindi mo naanticipate. at oo, anticipate talaga coz i'm conyo like that.

tulad na lang ng isang masakit na salita na manggagaling sa isang mahalagang tao sa buhay mo. pwedeng si gelpren, si kapatid, nanay, bayaw, o kung sinong matalik na kaibigan. halimbawa ganito: may nagsabi sayo ng pakshit ka. papakshitin ka ng kung sinu-sino sa paligid mo o kahit ni ate shawie pero hindi ka maaapektuhan. walang dating sayo, walang asar, walang bangis na parang itim na langgam. tas pag siya na, boom.

PAKSHIT KA!


may kurot sa puso mo na parang kurot ng aleng manikurista na malutong ang mga kuko sa kamay at paa. mabigat ang dating ng salita. parehas na salita lang pero parang iba. bold, italic, naka-all caps talaga with exclamation point pa. ganun.

tulad na lang din ng isang pagkakaibigang biglang nawakasan nang hindi mo inaasahan - o naanticipate. yung pagkakaibigang pinunlaan ng ilang taong samahan na biglang nauwi na lang sa wala wala lang. friendship over. maaaring isa sa inyo o parehas kayo ay nagbago. o di kaya eh isa lang naman pala talaga sa inyo ang naging isang tunay na kaibigan. basta sa hinaba-haba ng inyong samahan, isang malupit na pangyayari ang susubok at sisira sa inyong pagkakaibigan. isang malupit na pangyayari na hindi mo na naman inasahan - o naanticipate.

ang pagkakaibigan kasi ay parang sapatos. hindi mo malalaman ang tunay na kalidad kung hindi mo itatapak sa semento, sa lubak o sa tae. ay wag na pala sa tae. basta hindi mo malalaman yung quality kung hindi mo susubukang itapak o itakbo-takbo. dahil ang sapatos, tulad ng kaibigan, hindi lang pang-display o pamorma ang mga yan. nandyan lang yan, kasama mo saan ka man mapunta. (at biruin mo nailusot ko yun? haha!)

edi biglang nagkasubukan nga nang tibay at yun nga, surprise!

pumalpak.

yun yung tipo ng sakit na ayaw mong maranasan. yung hindi mo inaasahan. yung hindi mo naanticipate.

Sunday, March 11, 2012

hiatus over?

hindi ko rin talaga alam.

hindi ko rin talaga alam kung paano at bakit antagal kong walang nailathala sa blog kong ito. nawalan ng drive? inspirasyon? nope. hindi naman sa nawalan ng drive o hindi inspired, dapat pa nga mas marami akong mga naisulat kung inspirasyon lang ang paguusapan. kung hindi pa naman obvious sa inyo - oo, may girlfriend na kasi ako. at oo ulit, sobrang inspired ako in many different ways.

sige, kahit walang nagtatanong, mageexplain ako kung bakit antagal kong hindi nagsulat ng blog entry.

una sa lahat, medyo busy din naman kasi ako. dalawa ang trabaho ko - guidance counselor sa umaga, pokpok sa gabi. char. kung anu man ang trabaho ko, wala na yung kinalaman sa blog na ito. basta medyo bawas na ang freetime ko para magsulat ng mga kung anu-anong shit. sensya na, busy lang.


pangalawa, inlab ang ginoong danibab. malamang sasabihin nyo sakin na "eh inlab ka pala eh, dapat inspirado ka - mas ganado kang magsulat". agree naman ako dyan. walang patumanggi. at kung babasahin nyo naman ang mga huli kong posts, halos lahat ay patungkol sa temang pagibig. pero kahit na, antumal pa rin at halos tatlong buwan akong hindi nagsulat ng "blog" entry talaga. ganito kasi yun. hindi naman panay kilig moments lang at pasweet-sweet ang ginagawa ng isang boyfriend. syempre, may ampat na oras din akong nilalaan para tawagan at i-txt at iba pang paraan para magparamdam ng pagmamahal para kay gelpren. extra effort kumbaga dahil long distance love affair ang drama namin ni madam.

so basically, busy lang talaga ako. pero ang totoo nyan, may pangatlo pang reason. at ito ang pinakamahalaga. ayoko na kasing magkwento ng mga madadrama at magugulong events sa buhay ko tulad nang nakasanayan ko dati. well, hindi naman sa ayoko na talaga, minsan may mga magaganap pa ring worth blogging for tulad ng pag-bahing at pag-utot nang hindi napapapikit. kung may narealize kasi akong mahalagang bagay simula nang naging kami ni gelpren, isa siguro ay yung konsepto ng "privacy". yun bang hindi lahat ng nangyayari sa buhay natin ay kailangang ipaalam sa mundo. oo, madalas pag nagra-rant ako about sa mga problema ko or mga badtrip na kaganapan sa buhay ko, nakakatulong dahil nailalabas ko yung saloobin ko. pero minsan nasosobrahan na rin pala ako. though nahahaluan ko ng humor at life lesson, still, mali pa rin na ipaalam sa mundo na putangina kasi si family member na ito, pakshit si officemate na yan.

ang nangyayari kasi ngayon, nagiging normal na parte na lang ng buhay natin ang magshare o magkwento ng mga kung anu-anong shit sa publiko. mula sa pinakawalang kwentang facebook status hanggang sa pinakamalalalim na saloobin ng isang tao ay maaari na nating mabasa sa tulong ng internet. mas nakikilala mo ang isang tao, mas nakikita mo ang kanyang pagkatao.

naaabuso na kasi ng marami sa atin kabilang na ako ang pribilehiyong ito. ang pribilehiyo na marinig at pakinggan. kahit wala naman kaming pakialam kung matigas at mahapdi sa pwet ang itinae mo, wala kaming magagawa dahil gusto mong ipaalam sa amin yan. lahat may gustong sabihin, lahat may gustong ipaalam sa mundo hanggang sa mabura na ang konsepto ng privacy. halos lahat ng tungkol sa iyo, alam na ng publiko kahit hindi ka naman celebrity.

yun lang. hangga't maaari, mas liliitan ko ang butas kung san pwede nyong masilip ang pribado kong buhay. magsusulat pa rin ako ng mga tula at mga piksyunal na kwento na matagal ko nang hindi nagagawa - pag nagkaron ako ng free time. hehehe.

o sya, txt2 na lang. ingat!

Thursday, February 23, 2012

FLIPTOP, MAKE SOME NOISE!

ang mga character sa text ay may maximum limit. shortcut ang mga salita para tipid sa pag-gamit. pero hindi ko kayang limitahan ang pagibig kahit hanggang langit. hindi naman natatapos ang panliligaw kahit "oo" mo'y akin nang nakamit. hindi baleng tawagin akong cheesy, mushy o kung anu pa mang shit. wala akong pakialam dahil si danibab, kung umibig ay malupit. <3

sayo ako'y nahulog, batong puso ay nadurog. nang unang beses kitang mahagkan, parang ayoko nang mag-mumog!

tila ba ayaw nang paawat ng puso kong maligalig. ganyan kasi kaastig ang mga makatang mangingibig. walang kaso ang distansya, kahit nasa kabilang dako ka ng daigdig. subukan nilang saktan ka, buong mundo'y mayayanig.

magtutuloy ang tulang to hanggang sumapit ang pasko. pero kelangan ko nang matulog dahil tao lang ako. sayo na nagbabasa, patawad kung mahaba ang post na ito. hindi ako eksaherado, pagbigyan mo na, umiibig lang ako.

wag mo nang itanong kung kanino. wala namang ibang sagot kundi kay Mariel Mangalino. <3