Wednesday, April 8, 2020

Just in case lang, baka huling post ko na ito in a while... o baka forevs

May chance na magkakaroon na kami ng pasyenteng positibo sa COVID-19. Maraming tutol pero wala namang kaming magagawa. Di kami confident na ready and equipped ang facility namin para mag-handle ng COVID-19 patients. Kung ospital nga namamatayan ng mga nurse at doktor, kami pa kaya? Hindi na dapat "frontliners" tawag sa amin, "suicide squad" na.

Siguro kahit di ako masyado seryoso kausap at medyo may extra time naman ako ngayon, eto at magbibigay na ako ng mga huling mensahe at habilin. Baka ma-busy ako masyado at you know di na natin alam baka madale ako ng ng sakit na ito. Hangga't kaya e syempre iiwas naman ako pero di natin alam kung hanggang kelan. Di naman natin masisiguro ang buhay may COVID man o wala. Mabuti nang may mababasa kayo na medyo updated about sa kung anong mga nasa kalooban at isip ko bago ako matepok ng COVID-19. Just in case lang ba.

Kung sakaling matepok man ako ng karamdamang ito, sinisisi ko na nang buong puso ang mga amo kong ungas na walang sinserong pakialam sa kapakanan ng mga employees nila. Pakyu dobol mula sa aking puntod.

Kapag namatay ako, may mga life insurance ako na sasalo sa mga gastusin sa palamay at palibing. Gusto ko sa burol ko malungkot ang lahat. Gago ka ba, namatay na nga ako gusto ko pa masaya? De, joke lang. Syempre wala na akong pake kung masaya kayo o malungkot. Malay ko ba e patay na nga ako. Sana may isa sa inyo na magmagandang loob na i-print yung pinakamagaganda kong post dito sa blog para mabasa ng mga tao at malaman kung gano ako kalandi at katalentado. Yung mga gamit ko e hinahabilin ko na sa mga kapatid ko, kayo na bahala kung anong gusto nyon gawin sa mga yan.

Sa pamilya ko, alam kong magiging ok pa rin kayo kahit mawala ako. Hindi lang sa financial aspect, I know you're strong enough to move forward. Hindi ako expressive sa salita pero sana naramdaman nyo sa lahat ng mga effort ko na mahal ko kayo. Sa mga kapatid ko, pasensya na sa kakupalan ko at pagiging mahigpit. Alam nyo naman gusto ko lang kayo i-push na mas mag-improve pa dahil alam kong may potential pa kayong mag-grow at maging mas magaling. Kay mommy, salamat sa lahat. Walang ibang nanay ang pwedent ikumpara sa kalidad ng iyong pagiging ina. Mahal na mahal ko kayong lahat.

Kay Bebelabs, ikaw ang epitome ng beauty and brains. I know you have the strength to move on after nga mga ilang buwan. Pasensya na kung hindi na natin natupad yung mga plano natin pero alam kong marami pang opportunity at future dreams ang naghihintay sayo. Mamamatay ako peri hindi ang mga alaala at mga aral na sabay nating na-experience. Mahal na mahal kita.


Sana kapag namatay na ako e ipaalam nyo naman sa mga friends ko sa Pilipinas at sa buong mundo. Ipaalam nyo na may isang potential genius ang nawala sa mundo. Chos. Di nyo naman kelangan magpagawa ng mga mural katulad ng kay Kobe. Gusto ko sana pag nagpost kayo sa internet tungkol sa pagkamatay ko e wag yung simpleng RIP lang. Kinginang yan, effortan nyo sana. Gusto ko gawan nyo ako ng testimonials tulad nung sa Friendster dati. Baka kasi walang magbigay ng magandang eulogy sa burol ko at least bumawi kayo sa testi. Simpleng mensahe lang kung anong aral ang natutunan nyo sakin kung meron man o kung may memorable moment tayong napagsamahan.

O sya, sana pag nabasa nyo ito e subukan nyong alamin kung natuluyan nga ako. Kung oo, edi wow. At least hindi sayang ang effort ko dito. Di ko alam gano katagal bago may makabasa nito, alam kong wala na masyadong naakaalam na may blog pa ako e. Kung buhay pa ako isang taon after ng post na ito, edi mas wow! Buburahin ko na lang at gagawa ng mas updated! Hahaha!

Ang huling mensahe ko na lang siguro ay ito:

Iparamdam mo sa mga tao ang pagmamahal at pagpapahalaga mo. Kahit kupal ka, minsan magpakita ka pa rin ng mabuti sa iba. Wala namang taong perpekto. Wag kang huminto sa pag-improve ng buhay mo at kung kaya, mandamay ka na ng iba.

************

Paalam, mga panget.

No comments:

Post a Comment