Monday, February 21, 2011

natalie's poem

kalungkuta'y nagdidilig


pagtangis ng puso'y aking naririnig


pumapatak, umiibig


sa bawat lagaslas ng tubig


naramdaman ko ang sakit ng bigong pagibig


naramdaman ko kung gaano kalamig


ang biglaang iwanan ng isang iniibig


maalat ang tubig


ang luhang dumadampi sa aking bibig


ang sumpaang binigo ng huwad na pagibig


mapait


lasang lasa ng aking kaluluwa ang iniwan mong sakit


nagtatanong ang aking sapantaha


sino sya? paano? bakit?


anung ginawa ko't ipinagpalit mo ako sa pangit?


marahil isip mo'y kinulang na sa bait


mga basag na pangako mo ngayo'y nagkalat


tila ang lahat sa iyo ay hindi pa sapat


aking puso'y wari ba'y nauntog


ingat ka sa paglakad, baka ikaw ay mabubog

Thursday, February 17, 2011

edi nanaginip pala ako kagabi

bale nanaginip nga ako kagabi. nanaginip ako kagabi tungkol sa kung paano raw ako mamamatay. edi kumakain daw ako ng kwek-kwek habang tumatawid sa taft avenue. tapos bigla akong mabubunggo ng erjohn & almarck na bus byaheng cavite.


tapos pagbagsak ng katawan ko sa mamasa-masang aspalto (maulan daw kasi) sasabihin ng mga taong kakilala ko: namatay si bab dahil nabunggo siya ng erjohn & almarck na bus byaheng cavite habang tumatawid sa taft avenue at kumakain ng kwek-kwek. tapos sa burol habang abala sa paglalaro ng mahjong at baraha, maguusap-usap sila at sasabihin: namatay si bab dahil nabunggo siya ng erjohn & almarck na bus byaheng cavite habang tumatawid sa taft avenue at kumakain ng kwek-kwek. tapos sa mga sandaling nag-iisa na lamang sila at may ampat na katahimikan upang magnilay-nilay. kapag nakapikit na sila pero hindi makatulog. kapag nasa LRT at walang makausap. kapag may katext at matagal magreply ang kausap. kapag tumatae o sa pinakatahimik na bahagi ng kanilang gabi. maiisip nila:


A. kung kakain ng kwek-kwek, wag munang tatawid ng taft avenue.


B. kung tatawid ng taft avenue, wag munang kakain ng kwek-kwek.


C. hangga't maaari, iwasan ang mga erjohn & almarck na bus byaheng cavite.


at dahil sa realisasyong ito, magiging mas ligtas ang buhay nila. hindi sila kakain ng kwek-kwek habang tumatawid ng taft avenue. hindi sila tatawid ng taft avenue habang kumakain ng kwek-kwek. at hangga't maaari, iiwasan nila ang mga erjohn & almarck na bus byaheng cavite. hurray! happy yipee yehey! mabuhay! mabuhay si bab! sasabihin nila. dahil kay bab ay naging mas ligtas ang buhay nila. sa gitna ng kalsada ay nagpatayo sila ng rebulto ng lalaking tumatawid habang kumakain ng kwek-kwek at tinawag na nila ang taft avenue na danibab boulevard. habang buhay na mananatili sa kanilang alaala at ipapasa sa mga susunod na henerasyon ang gintong aral na napulot nila mula sa pagkamatay ng makabagong bayaning si bab. 


the end. 

Wednesday, February 16, 2011

sa lahat ng mga babaeng na-link sa akin, siya ang pinakamahirap ispilengin.

Pimchanok Lerwisetpibol
Gets? dito ko siya nakilala.

PETISYON UPANG IPAGBAWAL ANG PDA O PUBLIC DISPLAY OF AFFECTION

nais kong ilatag sa inyong mga monitor ang isang mabigat na suliraning kinakaharap ng sangkatauhan ngayon.

kaming mga single ay matahimik na namumuhay sa paraan na wala kaming naa-agrabyadong kapwa. mapayapa naming tinatahak ang landas ng singlehood nang walang nasasagasaang karapatan at walang niyuyurakang apog. hindi sa kahit pinakamaliit na posibilidad kami gagawa ng mga hakbang na makakasakit ng kapwa.
respeto ang ibinibigay namin sa lahat. respeto rin ang nais naming matanggap.

ang walang habas ang paghahalikan at paglalampungan sa harap naming mga single ay isang mabigat at konkretong manipestasyon ng kalapastanganan sa aming karapatan. nababastos ang aming pagkatao at higit sa lahat isa itong malupit na kurot sa aming mga puso.

HINDI TAYO UUNLAD HANGGA'T MAY PDA!

nais po sana naming hilingin sa mga taong may iniibig na nawa'y iwasan ang labis na pagpapakita ng pagmamahalan sa harap ng publiko. maglagay lamang po sana kayo ng at least isang pulgada sa inyong pagitan kapag kayo'y nasa pampublikong sasakyan. nais rin naming hilingin na ilagay sa tamang lugar ang pagbibigay ng halik. wala kaming problema sa holding hands basta ito'y hindi nakapatong sa hita malapit sa kuwan. iwasan na rin po sana ang pagyayakapan o maging pag-akbay kung kayo'y wala naman sa inyong mga bahay.

isa sa mga napipisil naming solusyon sa suliraning ito ay ang pagbaba ng singil sa mga motel. naiintindihan naming dahil sa di maampat na suliraning pang-ekonomya ng bansa ay nagtataasan na ang mga presyo ng mga pribadong kwarto kaya't minabuti naming kausapin ang kapisanan ng mga mayari ng mga nasabing establisyamento. ipinakikilala namin sa inyo ang programang MOMO(make out-make out) NOW, PAY LATER.

kung hindi mapagbibigyan ang petisyong ito ay nakahanda kaming lisanin ang aming mga tahanan at mga trabaho upang mag-aklas. papangasan namin ng mga nguso ang mga naghahalikan. babalian ng braso ang mga magka-akbay at nagyayakapan. papasuin ng yosi ang mga naghoholding hands.

isa itong malaking suliranin ng sangkatauhan na nangangailangan na ng ampat na kasagutan. ito'y isang sensitibo at seryosong usapin na hindi dapat ngisian o pagtawanan. katarungan at pag-unawa ang tanging ipinaglalaban naming mga single.



HINDI LANG KAYO ANG TAO SA MUNDO!

nawa'y mabigyang pansin ng natutulog nating lipunan ang isyung ito ukol sa public display of affection. bigyang kasagutan ang delubyong kumakaharap sa atin. lagyan ng tuldok ang PDA. ang petisyong ito ang magsasalba sa ating naghihingalong lipunan.

maraming salamat po.

Tuesday, February 15, 2011

kung hindi ukol, hindi bubukol (patama sa mga pusong bopol)

kung kayo edi kayo. kung hindi, edi hindi. napakasimpleng lohika na di maarok ng ating mga nagpupumilit na magsarang sapantaha. may mga bagay sa mundo na hindi mo mababago. mga constant na kahit anong tumbling mo e ganun pa rin ang value. may mga landas na kelan man e di pwedeng magtagpo - parang parallel lines na kahit umabot ka pa sa planetang yekok ay hindi kailanman magi-intersect. ang buhay ay parang isang malaking jigsaw puzzle. ang dalawang piyesang hindi magkatugma, kelanman ay di pwedeng magsama. bawat tao at bawat bagay ay may karampatang lugar sa mundo na kapag nailagay na sa tamang puwesto ay may ampat na dahilan ka na upang sabihing ang buhay ay isa nang magandang larawan.



Monday, February 14, 2011

bastardo

sumutsot sa kaniya ang isang may katangkarang lalaking nagkukubli sa dilim ng kalsada. may supang sigarilyo at nakapamulsa. takot man siya'y pinilit niyang aninagin ang kanyang mukha sa matipid na liwanag ng mga tala. matangos ang ilong at bilugan ang mga mata. nang muling sumutsot ang mama ay biglang kumaripas ang kanyang mga paa. tumakbo papalayo sa dilim. tumakbo papalayo sa may katangkarang mama. may supang sigarilyo at nakapamulsa.

pagdating nya sa bahay ay pandalas ang pasok nya sa banyo. sumalok ng tubig at hinugasan ang kanyang mukha.  tinanggal ang samyo ng maghapong pagtatrabaho at ng tensyonadong pagtakbo. pagtingin nya sa salamin ay nakita nya ang isang matangos na ilong at isang pares ng bilugang mga mata. pagpitada ng umaga'y lalakad na sya papasok sa trabaho. may supang sigarilyo at nakapamulsa.


bata palang, mukha nang gago.