nais kong ilatag sa inyong mga monitor ang isang mabigat na suliraning kinakaharap ng sangkatauhan ngayon.
kaming mga single ay matahimik na namumuhay sa paraan na wala kaming naa-agrabyadong kapwa. mapayapa naming tinatahak ang landas ng singlehood nang walang nasasagasaang karapatan at walang niyuyurakang apog. hindi sa kahit pinakamaliit na posibilidad kami gagawa ng mga hakbang na makakasakit ng kapwa.
respeto ang ibinibigay namin sa lahat. respeto rin ang nais naming matanggap.
ang walang habas ang paghahalikan at paglalampungan sa harap naming mga single ay isang mabigat at konkretong manipestasyon ng kalapastanganan sa aming karapatan. nababastos ang aming pagkatao at higit sa lahat isa itong malupit na kurot sa aming mga puso.
HINDI TAYO UUNLAD HANGGA'T MAY PDA!
nais po sana naming hilingin sa mga taong may iniibig na nawa'y iwasan ang labis na pagpapakita ng pagmamahalan sa harap ng publiko. maglagay lamang po sana kayo ng at least isang pulgada sa inyong pagitan kapag kayo'y nasa pampublikong sasakyan. nais rin naming hilingin na ilagay sa tamang lugar ang pagbibigay ng halik. wala kaming problema sa holding hands basta ito'y hindi nakapatong sa hita malapit sa kuwan. iwasan na rin po sana ang pagyayakapan o maging pag-akbay kung kayo'y wala naman sa inyong mga bahay.
isa sa mga napipisil naming solusyon sa suliraning ito ay ang pagbaba ng singil sa mga motel. naiintindihan naming dahil sa di maampat na suliraning pang-ekonomya ng bansa ay nagtataasan na ang mga presyo ng mga pribadong kwarto kaya't minabuti naming kausapin ang kapisanan ng mga mayari ng mga nasabing establisyamento. ipinakikilala namin sa inyo ang programang MOMO(make out-make out) NOW, PAY LATER.
kung hindi mapagbibigyan ang petisyong ito ay nakahanda kaming lisanin ang aming mga tahanan at mga trabaho upang mag-aklas. papangasan namin ng mga nguso ang mga naghahalikan. babalian ng braso ang mga magka-akbay at nagyayakapan. papasuin ng yosi ang mga naghoholding hands.
isa itong malaking suliranin ng sangkatauhan na nangangailangan na ng ampat na kasagutan. ito'y isang sensitibo at seryosong usapin na hindi dapat ngisian o pagtawanan. katarungan at pag-unawa ang tanging ipinaglalaban naming mga single.
nawa'y mabigyang pansin ng natutulog nating lipunan ang isyung ito ukol sa public display of affection. bigyang kasagutan ang delubyong kumakaharap sa atin. lagyan ng tuldok ang PDA. ang petisyong ito ang magsasalba sa ating naghihingalong lipunan.
maraming salamat po.
No comments:
Post a Comment