bale nanaginip nga ako kagabi. nanaginip ako kagabi tungkol sa kung paano raw ako mamamatay. edi kumakain daw ako ng kwek-kwek habang tumatawid sa taft avenue. tapos bigla akong mabubunggo ng erjohn & almarck na bus byaheng cavite.
tapos pagbagsak ng katawan ko sa mamasa-masang aspalto (maulan daw kasi) sasabihin ng mga taong kakilala ko: namatay si bab dahil nabunggo siya ng erjohn & almarck na bus byaheng cavite habang tumatawid sa taft avenue at kumakain ng kwek-kwek. tapos sa burol habang abala sa paglalaro ng mahjong at baraha, maguusap-usap sila at sasabihin: namatay si bab dahil nabunggo siya ng erjohn & almarck na bus byaheng cavite habang tumatawid sa taft avenue at kumakain ng kwek-kwek. tapos sa mga sandaling nag-iisa na lamang sila at may ampat na katahimikan upang magnilay-nilay. kapag nakapikit na sila pero hindi makatulog. kapag nasa LRT at walang makausap. kapag may katext at matagal magreply ang kausap. kapag tumatae o sa pinakatahimik na bahagi ng kanilang gabi. maiisip nila:
A. kung kakain ng kwek-kwek, wag munang tatawid ng taft avenue.
B. kung tatawid ng taft avenue, wag munang kakain ng kwek-kwek.
C. hangga't maaari, iwasan ang mga erjohn & almarck na bus byaheng cavite.
at dahil sa realisasyong ito, magiging mas ligtas ang buhay nila. hindi sila kakain ng kwek-kwek habang tumatawid ng taft avenue. hindi sila tatawid ng taft avenue habang kumakain ng kwek-kwek. at hangga't maaari, iiwasan nila ang mga erjohn & almarck na bus byaheng cavite. hurray! happy yipee yehey! mabuhay! mabuhay si bab! sasabihin nila. dahil kay bab ay naging mas ligtas ang buhay nila. sa gitna ng kalsada ay nagpatayo sila ng rebulto ng lalaking tumatawid habang kumakain ng kwek-kwek at tinawag na nila ang taft avenue na danibab boulevard. habang buhay na mananatili sa kanilang alaala at ipapasa sa mga susunod na henerasyon ang gintong aral na napulot nila mula sa pagkamatay ng makabagong bayaning si bab.
the end.
No comments:
Post a Comment