Monday, January 24, 2011

CINCO MONDAY: KUNEKDADATS

limang magkakaibang istorya, isang mundo. sana magustuhan nyo. ^_^
  • isa siyang chinoy na negosyante sa isang di gaanong maunlad na lungsod sa metro manila. nagmamay-ari siya ng dalawang mamahaling restaurant, tatlong computer rental shop, dalawang general merchandise na tindahan, at limang prangkisa ng buena bonita hamburger kiosk. tulad ng iba pang mga kalahi nyang mayayamang chinoy, bukod sa pagiging prone sa kidnapping ay naka-bingwit rin sya ng isang ubod ng saksakan ng gandang girlfriend. at ngayong gabi, ito mismong gabi na ito, as in now na, ang buong buhay nya ay malapit nang mabago dahil lamang sa isang singsing na nabili nya matapos ang ilang buwan na pagiipon ng pera at lakas ng loob. nag-set siya ng isang date sa rooftop ng isang mamahaling hotel malapit sa building na pinagtatrabahuhan ng kanyang nobya. inimbitahan rin nyang umawit ang philippine madrigal singers ng paborito nilang kanta na "nobody" ng isang korean girl group. pinuno ng puting rosas ang buong rooftop at nagpaluto ng pinakamasarap na laing na bagamat di nya maatim na kainin ay paborito naman ng kanyang pinakamamahal na syota. handa na sya sa kanyang script at handa na rin ang walang kagusot-gusot na puting polo. dizizit. ibinulsa nya ang pinakamahalagang alahas sa gabing iyon at sumakay sa kanyang pulang honda civic. amoy na amoy nya ang aroma ng pagibig sa buong paligid kahit na nasa kalagitnaan sya ng mausok na kalsada. binabalot sya ng matitinding baduy na lovesongs mula sa dumadagundong nyang sound system at walang ibang laman ang kanyang sapantaha kundi ang gasgas na gasgas nang "will you marry me?". paulit-ulit. labing apat, labing lima... lumampas sa dalawampung beses nya inulit-ulit ang mga sasabihin nya nang biglang may tumawid na bata. "putang-" sa bilis ng pangyayari ay di na nya natapos ang mura. pandalas nyang inikot pakaliwa-pakanan ang manibela upang maiiwas ang bata mula sa matinding panganib ngunit masyadong mabilis ang mga pangyayari.

  • graveyard ang kanyang shift sa isang call center. taliwas sa rutinaryo ng isang normal na tao, gumigising ang kanyang diwa pagsapit ng gabi. pinili nya ang ganitong buhay dahil bukod sa mas maganda ang pasahod ay ito lamang ang kinababagsakan ng mga college grads na walang mahanap na trabaho. nagtapos sya ng nursing ngunit imbes na pasyente ay costumer ang nakakasalamuha nya gabi-gabi. san kna? s work kna? panlimang beses na siyang tinanong ng kanyang nobya kung nasaan na sya. gusto yatang malaman ang kanyang lokasyon sa bawat metrong malalayo sya sa kanya. lapit npo. mahigit tatlong taon na siyang nagtitiis sa sakal na nararamdaman mula sa kanyang nobya ngunit wala syang lakas ng loob upang magreklamo. masyado nyang mahal ang kanyang nobya para salungatin kahit isang beses ito. san nga? malapit san? selosa. kahit siguro makatabi lang siya ng isang babae sa jeep ay maghihimutok ang kanyang nobya sa selos. huminto siya sa paglalakad upang basahin ang text. at tumagal ng bahagya para mag-reply. nilaglag ang yosi sa sahig at itinapak ang kanang nike dunks. dalawang kamay ang ginamit upang mapabilis ang pagtipa sa mga elektronikong letra. tumingin muna siya sa paligid upang ikumpirma ang lokasyong itina-type sa kanyang cellphone ngunit bago pa man niya mai-send ay may dalawang lalaking naka-motorsiklo ang mabilis na dumaan sa kanyang harapan. kasabay ng pagkawala ng mga usok ay nawala na rin ang selepono na kanyang tangan. "shet - di ko man lang nasend".

  • camera, fans at reporters. yan ang pinangarap niyang buhay mula pagkabata. mula sa pagiging muse straight from kinder to grade six. miss UN, miss freshmen, miss sophomore, prom queen, miss baranggay, hanggang sa binibining pilipinas (baryo version). isang passion maituturing para sa kanya ang ngumiti at magpa-cute sa madla. living the dream ika nga, buong puso nyang niyayakap ang buhay artista. patunay na lamang sa kanyang sipag at husay ang ilang parangal na naigawad ng iba't ibang awarding committee. ngunit nitong mga nakalipas na buwan ay tila humuhupa na ang kinang ng kanyang kasikatan. ayon daw kasi sa ratings, natatabunan na ng mga reality shows at mga telenobelang asyano ang kanyang pangatlong teleserye tungkol sa isang mahirap na babaeng nainlab sa mayamang lalaki at inalipusta ng karibal na mayaman at nagsikap at nakatagpo ng bagong lalaki at naghiganti at nakabalikan sa bandang huli ang mayamang lalaki tapos magkapatid pala sila tapos hindi naman pala. hanggang sa sila na talaga forever and ever. nalalaos na raw siya para sa ilang mga baklang showbiz writers. sabi naman ng isang baklang kalbo, kailangan lang nya ng bagong putaheng maihahain sa mga manonood. di ko man na-gets ay parang may point na rin. isang gabi ay pumayag siyang mag-guest sa isang showbiz talkshow. live na mapapanood ng kanyang mga taga-hanga ang isang malaking pasabog. ibubunyag na nga ba niya ang katauhan ng kanyang non-showbiz lover? tutukan ang pasabog na ito! eksklusibo! now na!

  • isa siyang patpating binata na madalas napagti-tripan sa kanilang lugar dahil sa kanyang maliit na katawan. mabuti na lamang at marami syang pera at magagandang gamit na maaari nyang ipamigay kapalit ng nagbabadyang sakit ng katawan. isang kaklase ang lumapit sa kanya isang araw at hinikayat syang sumapi sa isang kapatiran. nag-flashback sa kanya ang lahat ng pambubugbog at pangingikil na kanyang naranasan habang nagsasalita ang kaibigan kaya't hindi nya naintindihan ang mga sinabi nito. pero buo agad ang kanyang desisyon, resbak. walang atubili syang sumama para sa orientation na ginanap sa kampo ng kapatiran - sa lumang sementeryo. madali siyang tinanggap ng grupo matapos ang ilang suntok at palo sa likod ng hita.  lingid sa kanyang kaalaman, isang huling pagsubok pa ang kailangan nyang tuparin upang ganap na syang tawaging kapatid. ngayong gabi ay patutunayan nyang karapat-dapat siyang mapabilang sa kapatiran. gamit ang kanyang itim na xrm ay nagmotor sila ng kanyang kaklase upang baybayin ang ilang bahagi ng maynila at gawin ang huling pagsubok - magnakaw ng cellphone. isang lalaking nagtu-two hand type ang kanilang namataan. tinantsa ang paligid. kumuha ng tamang tyempo at humarurot sa harapan nito at hinablot. ang cellphone. kasing lakas ng ati-atihan ang pagtambol ng kanilang mga dibdib. hindi nila alam kung matutuwa sila o matatakot. walang ibang laman ang kanilang mga isip kundi ang makalayo nang mabilis - walang hinto. walang makabasag ng kahit isang salita sa kanilang dalawa. sa isang di gaanong mailaw na kalsada ay may biglang pumreno na pulang honda civic. napagewang ito at muntik nang mabangga sa puno. gumuhit ang gulong nito kasabay ang pagtili na umalingawngaw sa kalsada. kasunod ang malakas na tunog ng pagbangga. maya-maya'y umingay na ang nagulantang na kalsada - mga palatak at tsismisan ng mga nakikiusisa.

  • buwisit na buwisit siya sa ate niyang sarap na sarap sa panonood ng walang kakwenta-kwentang palabas sa tv. oras na kasi ng kanyang paboritong cartoons. para sa isang ordinaryong paslit, mortal na kasalanan ang makamintis ng episode ng usong usong anime sa tv. kinabukasan kasi, ikaw lang ang hindi makakasali sa role playing dahil hindi mo alam ang naganap sa nakaraang episode. you're a loser. out of place. lahat sila'y nagkukwentuhan habang ikaw ay pilit na ipinipinta sa sariling isip ang mga naririnig. isipin mo na lang ang sama ng loob na nararamdaman nya. ang buto ng santol na bumabara sa kanyang lalamunan dahil sa inis. lalo na't alam mong naguumpisa na ang opening credits. kung pwede lang magmura ang isang ten-year old na bata ay malamang sumabog na ang isang malakas na "PUTANGINA MO ATE!!!". may malaking pasabog daw kasi ang idolo nitong artista kaya't hindi nya maaaring mapalampas ang kanyang pinapanood. hindi nya alintana ang pagatungal ng kanyang kapatid dahil para sa kanya, mas makabuluhang subaybayan ang buhay ng may buhay kaysa sumubaybay sa mga drowing na naglalabanan. ang ikinababadtrip nya ay ang hindi pagsagot ng kanyang boyfriend sa kanyang mga text. halos hatiin niya ang sarili sa dalawa para lang makanood ng tv at makapag-text nang magkasabay. ngunit wala pa ring sagot. "o sige, pa-loadan mo ako para ilipat ko na". parang nakatira ng extra joss, walang anu-ano'y biglang sumigla ang bata. pandalas na kinuha ang pera at saka kumaripas ng takbo. kasing bilis ng paggalaw ng paborito nyang bida, tinakbo niya ang pinakamalapit na tindahan. abala ang tindera sa panonood ng showbiz balita. may sampung tao na ang kanyang inisnab kabilang na ang kawawang bata. "tawid ka don, may loadan don" sabi sa kanya ng isang mama. tumingin siya sa kaliwa. kumaripas siya ng takbo patawid sa kalsada. kasing bilis pa rin ng idolo niyang bida. isang pulang honda civic ang biglang napapreno at napagewang dahil sa batang tumawid. isang motorsiklo naman ang parang kidlat na biglang dumating at marahas na sumagasa sa magpapaload na bata. binalot ng ingay ang buong paligid. ito ang ingay na ayaw mong marinig. at para sa paslit, ito ang ingay na huli na nyang narinig.

No comments:

Post a Comment