Sunday, October 25, 2015

PROLOGUE

Sa isa na namang pagkakataon, sinulyapan na naman niya ang orasan sa dingding - katabi nito ang mga poster ng iba't ibang unibersidad at mga printed na quotes na nagmumungkahi na abutin mo ang iyong mga pangarap. Kasabay ng paglalakbay ng kanyang mga mata sa mga kakaibang palamuti sa opisinang ito, rinig niya ang mga daldalan ng mga tao sa paligid. Tumingin sa cellphone at ibinalik sa bulsa. Muli na naman niyang tiningnan ang orasan.

Suot mo pa rin yung ngiti na nakuha mo mula doon sa kabilang silid. Iba ang sayang nararamdaman niya sa tuwing makikita ka niyang ganyan kasaya - may kakaibang sigla. Isang bahagi na naman ng iyong pagkatao ang kanyang nakilala. Habang nagsasalita ka ay pinagmamasdan niya ang bawat pagbukas ng iyong mga labi; yung kakaibang sparkle ng highlighter sa iyong mukha hanggang sa maliliit na detalye ng bagong linis mong kuko. Hinihimay ang bawat butil ng kagandahan ng nag-iisang ikaw mula sa pinakamalalim hanggang sa pinakamababaw na bahagdan ng iyong katauhan. Masaya kayong nagkukwentuhan tungkol sa buhay at sa mga nais ninyong mangyari sa future kahit sa likod ng kanyang sapantaha'y alam niyang wala sa mga ito ang may kasiguraduhan. Walang permanente sa mundo. Lahat ay may hangganan, nagbabago. Muli na naman niyang sinulyapan ang orasan.

Hindi.

Hindi siya naiinip. Hindi rin naman niya nais na patagalin ang oras. Nais lang niya itong huminto. Nais niyang patigilin ang oras at simsimin ang moment na ito na kayo ay magkasama at malayang lumilikha ng mga plano, mga pangarap. mga siguro, mga baka, mga sana. Sa mga pagkakataong hawak mo ang kanyang kamay; sa mga tahimik na hapon na pinagmamasdan ka niyang natutulog sa kanyang sasakyan; sa mga segundong magtatagpo ang inyong mga labi - nais niyang pahintuin ang oras at tahimik na lalangoy sa naguumapaw na emosyon sa kanyang dibdib.

X MARKS THE SPOT.

Ibinahagi niya sa iyo ang mga ideas niya tungkol sa isang nobelang nais niyang isulat na wala pa mang laman ay mayroon nang nakalaang pamagat. Nagustuhan mo ito at nagbigay ka rin ng input sa kung paanong posibleng matapos ang kwento ng isang kakaibang tauhan. Isa itong mahaba at kakaibang lovestory na may hugot mula sa mga dramang pampamilya, personal battles, magsing-irog, at magkaibigan. Hanggang sa kotse ay muli ninyo itong napagusapan. Hawak mo ang kanyang kamay at sa maiikling pagsulyap ay pinasasaya siya ng iyong mga ngiti at kinang ng iyong mga mata. Paano nga kaya kung kaya niyang patigilin ang takbo ng oras at kahit sa maikling segundo lamang ay marahan ka niyang hahagkan?

Isang hapon ng Biyernes na puno ng masasaya at makabuluhang kwentuhan...

... isinilang ang kwento ng buhay ni Jonathan.

No comments:

Post a Comment