ito yung araw na tataas ang benta ng mga bulaklak, hahaba ang pila sa mga restaurant, mapupuno ang mga sinehan, magliliparan ang mga matatamis na txtmsgs, magigimbal ang mga motel at magiging kulay pula ang kapaligiran. ito yung araw maliban sa pasko na punong puno ng komersyalismo at "pagmamahalan". yung araw na paborito ng mga magkakasintahan - ang independence day este valentines day.
ito yung tipo ng araw na darating at darating kahit hind mo hinihintay. ito yung isang araw na ipamumukha sayo ng mundo na ika'y nag-iisa, walang ka-date, walang ka-balentayms. sa isang punto, makakaramdam ka ng maginaw na ihip ng hangin na para bang nangungutya at sasabihing, behlat, wala kang kayakap.
sad.
singlehood awareness day para sa mga nais mag-celebrate kahit walang kasintahan. para sa mga nagpapanggap na masaya kahit sa ilang oras man lang ng pakikipagtawanan sa mga kapwa nag-iisa. kokonsumo ng alkohol at magsasayawan na tila walang mga iniindang sakit ng kalooban. pagkatapos ng lahat ay gigising sila sa kani-kanilang mga sariling buhay. bubuhos ang liwanag ng panibagong araw kasabay ng maginaw na ihip ng hangin na patuloy pa rin sa pagsasabi ng behlat, wala kang kayakap.
No comments:
Post a Comment