fast forward. (agad?)
nang mag-gagabi na e pumunta na ako sa cavite para nga sa haberday ng isang tropa. andun yung dalawang pinsan ko pero wala ni isa sa kanila ang may alam ng mga plano ko sa buhay. walang sharing ng madadramang saloobin. basta nandon lang kami para mag-tagayan ng ginpomelo at ngumata ng jumpfoods. happy times to the max.
fast forward. ulit.
matapos ang inuman, nakitulog ako sa bahay ng katropa naming si macneal. siya yung pinoy bersyon ng nick carter ng backstreet boys minus the singing, the golden hair and the height. ok, hindi sya kamukha ni nick carter. basta sa kanila ako nakitulog, tapos (dami pa kasing ineepal e no?). pagdating namin sa bahay nila, sinalubong naman sya ng sermon ng erpat at ermat nya. nasapak pa nga ata, di ko lang sure. kaya nga may "ata" e. alis kami sa bahay nila bigla. badtrip si macneal, badtrip din ako inside. pumunta kami sa bahay nila kirk. pinsan nya na katropa rin namin. doon kami nakituloy at nagpalipas ng ilang oras. masarap kakwentuhan ang mga katulad nilang mga gangstah. aksyon ang topic. alam mo na, kapag mga tipo nilang tao ang nagkukwentuhan, hindi pwedeng walang mura. yung tipong kada sentence e may "putangina talaga" o "tanginang yan". di rin pwedeng walang gestures o action sa bawat kwento, uber convincing to the highest level talaga. daig pa sina ate shena at kuya bodjie kung mag-story telling. masaya.
nag-ring ang aking 3210. si mother. limang beses, hanggang sa namatay ang cellphone ko nang hindi ko man lang pinaunlakan ng sagot.
biglang nag-iba ang simoy ng hangin. biglang nagbukas ang mga pusong may kinikimkim na problema. lahat problema sa pamilya.
nagbulalasan kami ng mga kinikimkim na kabadtripan. si macneal, may balak din palang maglayas. swakto, ako rin. sinabi kong gusto kong sumama sa kanya. sagot ko pamasahe namin. meron kasi silang kamaganak sa batangas. dun muna sana kami. shet, beach ito. (parang maga-outing?) kaso di ko inaasahan ang di nila pagsangayon sa akin.
nagpumilit akong sumama kay macneal sa batangas pero ayaw nila. kesyo wag ko raw sayangin ang aking kinabukasan. kesyo magaalala raw nang masyado ang nanay ko. kesyo ganito, kesyo ganon. sila na di ko inaasahang gagawa ng matino. sila na kung husgahan nila ermat e kulang na lang masunog sa kinatatayuan nila. sila na walang alam na buhay kundi buhay gangstah. ito na siguro ang signos na hinihingi ko mula sa langit.
kinabukasan, nagdadalawang isip man e tumungo na ako pauwi. para akong naluging ewan sa jeepney kasi walang humpay ang mata ko sa pagbulwak ng mabibigat na luha. malalim ang pagsinghal ko. di ko alam kung makakabawi pa ako kina ermat. di ko alam kung makakabalik pa ako sa masci. basang basa na ang tshirt na abercrombie and fitch na inarbor ko kay macneal. bumaba ako sa baclaran. pumasok ako sa simbahan na anim na araw kong tinambayan. isa ito sa bihirang pagkakataon na kinausap ko si Papa Jesus nang buong puso. ako at Siya lang. iyak ako nang iyak. non-stop. hagulgol na parang batang nagulpi nang masyado. napaaga naman ata kako ang mabigat na pagsubok nya para sakin. masyado pa akong marupok para sa mga ganung problema sabi ko. mula sa pagkakaupo e lumuhod ako. ito yung pagkakataon na sumuko ako sa pagsubok at ibinigay ko nang buo ang tiwala ko sa Kanya.
bahala ka na.
umuwi ako sa bahay na kunwari walang nangyari. pero lingid sa kaalaman ko, bistado na pala ako nila ermat. ang kaisa-isang kapit-bahay na nakakaalam lang e si kuya edwin, boss ni ermat. pinapasok agad ako sa opisina nya at hindi ako pinalabas hangga't wala sina ermat na nasa cavite na pala ng mga oras na yon. pinakain pa nya ako ng champ na hamburger mula sa jollibee.
dumating sila ermat nang mga tanghaling tapat. derecho ako sa kwarto ko na parang walang nangyari. hayaan na lang ba tutal tapos na. pero dehins naman pwedeng palampasin ang ganitong kalaking problema. si erpat, tahimik lang as usual. madaling umintindi yun. si ermat ang umakyat sa kwarto. tanghaling tapat pero pang-primetime bida ang eksena. malalim ang pinaghuhugutan ng bawat paghinga. malalim ang naging sugat ng kagaguhan kong ginawa. si ermat yung tipo ng tao na kapag nagsalita e dere-derecho pero mapapaisip ka talaga. hindi ako nagkaron ng pagkakataon na magpaliwanag pero mas ginusto ko na lang na makinig. sa puntong iyon ko naramdaman ang pagtama ng liksyon sa utak ko. akala ko dati masyadong judgemental si ermat. akala ko dati oa magdisiplina si ermat. akala ko dati super kill joy si ermat. pero ganun naman talaga. tama naman ang akala ko. ang napagtanto ko lang e ito: lahat ng mga iyon e para sakin parin talaga. cliche much, pero ganun talaga. magaspang ang daang gina-guide sa akin ng mga magulang ko. pero kung pipilitin kong lumiko sa mas makinis e malamang sa maliligaw talaga ako.
perstaym kong makitang umiyak nang todo sa harapan ko si ermat. yun na rin ang huli.
tinapos namin ang maikling MMK moment na iyon sa pamamagitan ng isang maikling yakap. nagpatuloy ang buhay na kunwari walang nangyari. bumalik ako sa masci at inayos ang lahat ng gusot. nakipagtalakayan si erpat kay hitler. balik skwela ako pero syemperds, di mawawala ang bonggang bonggang bisita kay tita navera (close kami e! sa dalas ba namin mag-ube moment...) na guidance counselor. sikat ako sa skwela dahil sa malulupit na pinagdaanan kong experiences. akala pa nga nung iba e adik na ako e. pero pinakana-touch talaga ako kay mam felicerta na pinaka nag-alala sa lahat ng mga teachers ko.
bilang souvenir, tinabi ko pa talaga ang mahiwagang apology letter ko. pag pasensyahan nyo na lang ang uber sa kalupitang grammer. eto in-attach ko pa. chekirawt.