aaminin ko sa inyo, hindi ako ganon katalino. mas lalong hindi masipag. tagilid na rin ako sa ilang subjects ko lalo na ang mahiwagang math. hindi ko na alam kung anong gagawin kong lusot sa kaululang ito. wala akong gustong pagsabihan ng problema ko dahil ayokong may madismaya o mabigo. eto yung mga pagkakataon na maguumpisa kang mag-duda sa sarili mong kakayanan. naisip kong baka tama nga si Hitler na hindi nga ako karapat-dapat mag-aral sa Masci.
umalis ako ng bahay pero hindi ako dumerecho sa school. perstaym in my lives, nagbulakbol ako. cool. limang araw akong ganito. aalis, papasok kuno, uuwi. ang limang araw na iyon ang pinaka-hitik sa adventure na parte ng aking buhay. hindi ko na tiyak ang pagkakasunod-sunod pero eto ang listahan ng mga pinaggagagawa ko sa lansangan:
- sasakay ng lrt at magra-roundtrip nang dalawang beses.
- nagbaon ng mga civilian na t-shirt para hindi naman madamay ang logo ng masci sa kagaguhang ginagawa ko.
- pupuntang baclaran at maglalakad-lakad nang walang tiyak na patutunguhan.
- magji-jeep papunta sa kung san at maglalakad-lakad.
- nalibot ko ang mga sumusunod na lugar: malate, ermita, monumento, recto,quiapo, bambang, sta. cruz, quirino at baclaran.
- nagsubok na maghanap ng trabaho.
- nagsubok na mag-apply pero masyado raw akong baby face para maniwala sila sa palusot kong disi-otso na ako.
- nanood ng sine. napanood ko ang "sanggano't sanggago" nila bayani agbayani at eddie garcia. napanood ko rin yung "trip" nila marvin agustin at kristine hermosa kung san naniwala naman akong namatay nga sya (joboy) sa tama ng baril. na-good time nya ako.
- pumunta-punta sa cavite at nakipag-bonding sa mga barkada.
- nanlibre ng burger machine at kumerengkeng.
- kumain ng jolly hotdog. malamang sa jollibee, stupid idiot.
- sinubukang isanla ang aking bonggang bonggang Nokia 3210 ngunit di pa rin pinalad dahil nga sa aking face na pang-ten years old.
- inikot ang buong gotesco grand central sa monumento.
- nag-laro ng arcade games sa halagang apat na piso kada token.
- tumambay sa baclaran church at umusal pakonti-konti ng ilang dasal.
- kumain ng sandamakmak na tokneneng at uminom ng sambaldeng buko juice.
bumigay ang matatag na ako. ayoko na. aalis na lang ako. ayokong mabigo sila ermat, pero di ko na yata talaga kaya. takot din ako sa posibleng galit nila sa akin. punong-puno ng kalituhan ang bungo ko. halos di ko na alam kung tama pa ba ang mga desisyong ginagawa ko. kulang na lang talaga e bumula ang bibig ko at tumimbwang na lang sa kung saang kalye.
nag-uumpisa na ring magsitawagan at mag-text ang mga beloved classmates ko. naguumpisa na rin palang gumawa ng ingay sa school ang katarantaduhan ginagawa ko. isa lang sa mga guro ko ang nag-alala at pina-assignment pang hanapin ako (thanks much kay mam felicerta).
rewind.
pangatlong araw ng aking 6-day escapade e nagpa-abiso na ako sa nanay ko na mago-overnight sa kaklase kong si patrick bio. gagawa kami kuno ng isang malufet na science project. pero ang tunay na agenda ko e makiki-haberday sa tropa ko sa cavite at pagkatapos nun e tuloy na sa pag-istokwa. bahala na si batman. pinutol ko ang kable ng telepono namin para walang makatawag na classmates. ginunting ko saka ko nginatngat nang konti para kunwari e daga ang may sala. pero ambilis ng ganti ng karma, nakuryente ako sa gilagid. shet, masakit pramis. wag nyong gagayahin yon nang walang ampat na kaalaman sa larangan ng pagputol ng kable. delicate.
6th day, madaling araw.
walang lamang ni isang piraso ng papel sa aking jansport na bag. nagbaon ako ng ilang t-shirt at ilang hamford na salumbayag. tinodo ko na lahat ng peran naipon ko. bahala na kung hanggang saan ako dalhin nito. gusto ko sanang mag-sulat kina ermat kaso di kaya ng dibdib ko. itetext ko na lang sila pagdating ng takdang panahon. nagpaalam na ako kina ermat na medyo mabasag-basag ang boses. mabuti at madilim pa, dehins nila napansin ang maluha-luha kong mukha. tangenashet, MMK moment talaga. nag-abot pa si ermat ng baon. 150 pesos, may pasobrang konti. halos madurog na ang puso ko sa pinaghalong hiya at guilt pero dagdag din yun. ansama kong anak.
istokwa mode - ON.
No comments:
Post a Comment