nagpa-film showing si Hitler isang beses. Operation: Daybreak. kasunod na nito panigurado ang bonggang bonggang reaction paper. mabait naman (kahit papano) si Hitler. nagbigay sya ng set of questions na magga-guide sa aming mga papel. saka para na rin hindi sya makatanggap ng mga sagot na tulad ng "uh, okay naman.." o "shet, ang exciting talaga.." na tiyak na magmumula sa isang nagngangalang Bryan.
humiram pa ako ng dvd para paniguradong masasagutan ko lahat ng katanungan ni Hitler. pinagpuyatan ko yung paper na yun dahil ayokong ma-latigo sa klase. ang kaso, sira ang aking computer ng mga oras na yon. sinusubok talaga ako ng tadhana hanggang sa rurok ng aking pasensya. ayokong i-handwritten yung paper. di kasi ako biniyaan ni bathala ng handwriting na disente at karespe-respeto. hangga't maaari gusto ko typewritten kaya nag-back-to-the-makinilya days ako. punta ako sa bahay nung co-sabungero ni erpat na si kuya conrado. nanghiram ako ng isang primitibong typewriter na kasing bigat ng mansyon ni pacquiao sa gensan. matigas at matataas ang mga letra sa typewriter na syang magpapa-muscle ng mga daliri mo sa kapipindot. natapos ko ang aking paper mga alas singko na ng umaga. masakit ang kamay pero masaya at proud ako sa sarili ko na natapos ko ang dapat tapusin. feel na feel ang pagiging diligent pupil ba.
pagdating ko sa school, may mga kaklase pa akong hindi nakakagawa. may ilan pa ngang nagkokopyahan e. paraphrasing ba. yung tipong pag sinabi ng isa na: i have a dog, his name is edison faeldonia. kokopyahin ng isa pero isusulat sa ibang paraan: i have a pet named edison faeldonia. feel na feel ko talaga ang aking pagiging diligent styudent noon. parang gusto kong itapal sa mga faces nila ang aking bonggang bonggang typewritten (literal) na reaction paper habang binabanggit ang katagang chekirawt, yo.
maya-mayang konti e dumating na ang berdugo ng mga hudyo. kinuha na ni Hitler ang mga papers at nagturo. nang magkaron ng pagkakataon na inspeksyunin ang aming mga papers e biglang nawala ang maligaya at masiglang aura sa room. lahat e bumabaw ang paghinga. halos bumaha ng malamig at malagkit na pawis sa kwarto. umhem nang bahagya si Hitler. nagbabadya na naman ang isang bagyo ng kritisismo at insulto. may tinitiktikan na syang papel. inunti-unti nya ang paghugot na para bang nananadyang i-angat to the highest level ang aming anxiety (anxiety raw o!) at naghihintay na may atakihin sa puso.
*drumroll*
dan BRYAN rallonza.
katakutakot na panlalait at mura. gusto kong lumiit tulad nung sa 90's movie na Honey I Shrunk the Kids. gusto kong lumiit kasing liit ng kulangot nyang naghe-hello mundo habang pinagmumumura nya ako. batid kong mahirap abutin ang expectations ni Hitler. pero putangina, nag-effort ako. kahit isang sentence lang ang ilagay ko sa papel na yon, sariling utak ko ang gumana para maisip yon.
Bring your parents tomorrow.
nadurog ang puso ko sa ilang libong piraso na parang breadcrumbs na hinahalo ng tita ko sa embotido. nasayang lang yung effort kong manghiram ng dvd. nasayang lang yung effort kong manghiram nung primitibong gargantuan typewriter nila kuya conrado. nasayang lang yung magic touch liquid eraser na pinantapal ko sa butas nung bond paper (may pagkasadista yung mga letra e). nasayang lang yung tigte-tres na sliding folder na binili ko kina aling cora. lahat nasayang. gusto ko sanang sumagot sa kanya ng: putangina, pwedeng umiyak? pero para di ako mabagyuhan ng panibagong magasin ng bala, tumango na lang ako at umokey habang nagpipigil sa pasabog nang damdamin. basag na ang boses ko pero pinilit kong magsalita nang buo.
o-ho-key, ma-ham.
No comments:
Post a Comment